Oil price hike pumalo sa P2 kada litro

NAGTAAS na ng P2 kada litro ang Eastern Petroleum sa lahat ng kanilang produkto, kasabay ng pagtataas ng presyo ng ibang oil companies alas-sais ng umaga ngayon, Martes, Marso 1.

Idinahilan ng mga nasabing kumpanya ang pagtataas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng kaguluhan sa mga bansa sa Middle East.

Nagtaas na ang Eastern Petroleum ng P2 kada litro sa kanilang gasolina, diesel at kerosene, samantalang ang Pilipinas Shell, Chevron at Pheonix Petroleum ay P1 kada litro ng diesel at kerosene habang P1.25 naman kada litro ng gasolina.

Ngayong alas-dose ng tanghali ay magpapatupad din ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang Seaoil at iba pang kumpanya ng langis.

Kasabay nito, naghahanda na ang Department of Energy (DOE) sakaling lumala ang kaguluhan sa Gitnang Silangan, kabilang ang pangambang magkaroon din ng tensiyon sa Kuwait, na kabilang sa mga oil exporter.

Ayon kay DOE spokesman Jay Layug, nagpalabas na sila ng circular sa mga oil company na nag-aatas na itaas na ang imbentaryo ng kanilang produkto kahit hindi pa nakararanas ng kakulangan ng suplay ng mga nasabing produkto.

Maliban dito, binigyang-diin ni Layug na mayroon na nakahandang plano sakaling hindi mapigilan ang paglala ng sitwasyon sa Middle East, bagama’t hindi muna niya ito inilahad sa publiko. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply