Ombudsman Gutierrez makalulusot pa – Sotto

DAHIL mas malamang na sa buwan pa ng Mayo, kung kailan magbubukas ang sesyon ng Kongreso, mabubuo ang impeachment court ng Senado ay magkakaroon ng sapat na panahon si Ombudsman Merceditas Gutierrez na makahanap ng depensa sakaling makalusot ang mga impeachment case ng huli sa Kamara de Representantes.

Sa pagtataya ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III, malabong matapos ang ilang prosesong kailangang sundin sa paglikha ng impeachment court dahil sa Marso 26 na magsasara ang sesyon ng Kongreso.

Sa ngayon, hindi pa naisasalang sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ang impeachment complaint laban kay Gutierrez dahil kasalukuyan pang pinagdedebatehan ang pagsasanib ng dalawang reklamo laban sa Ombudsman.

“Marami pa kaming ginagawa kaya malamang kapusin ng panahon, kaya maaaring mag-convene (ang impeachment court sa pagbubukas ng sesyon) sa Mayo 8,” ayon kay Sotto.

Alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas, kailangang aprubahan muna ng Senado ang resolusyon kung tatanggapin o hindi ang impeachment complaint na isinampa ng Mababang Kapulungan saka lamang maghahain ng isang panibagong resolusyon upang likhain ang impeachment court na pangungunahan ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Sinabi ni Sotto na kapag naaprubahan ng naturang dalawang magkahiwalay na resolusyon ay saka lamang magkaroon ng caucus upang talakayin naman ang alituntunin o rules na gagamitin sa paglilitis kay Gutierrez.

Matapos nito ay saka lamang ihahain ito sa plenaryo upang aprubahan.

“May tatlong procedures na dapat sundin. Una ang pag-aapruba kung tatanggapin ba ng Senado ang isinampang impeachment complaint mula sa House. Pangalawa, magkakaroon ng caucus upang talakayin naman ang isa pang  hiwalay na resolusyon upang aprubahan ang paglikha ng impeachment court,” paliwanag ni Sotto.

“Tapos saka lamang aaprubahan ng Senado ang rules na gagamitin sa impeachment court,” dagdag ni Sotto.

Nakatakdang magsara ang sesyon ng Senado sa Marso 26, at magbubukas naman sa Mayo 8 alinsunod sa Legislative calendar ng Kongreso kaya’t malamang kapusin ng panahon ang Senado na simulan ang paglilitis kay Gutierrez.

Ngunit naniniwala naman si Sen. Alan Peter Cayetano na maaaring magtuloy-tuloy ang paglilitis kay Gutierrez kahit naka-recess ng Senado dahil hiwalay naman ang tungkulin ng mga senador sa impeachment court sa tungkulin nito sa lehislasyon.

“Puwede eh, kasi hiwalay naman ang tungkulin namin sa impeachment court at legislative functions ng Kongreso, tulad ng binuo ang National Board of Canvassers na nagtuloy-tuloy ang sesyon ng Kongreso kahit naka-recess na, ” ayon kay Cayetano. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply