P1.50 fare hike sa jeep tinutulan

WALANG basehan at isang pagmamalabis ang gustong mangyari ng  transport sector na muling itaas ang pamasahe sa P9.50 sa unang apat na kilometro mula sa kasalukuyang P8.00.

Ito ang sagot ni Elvira Medina, president ng National Commuter Council for Protection, sa balak ng grupo ni Efren de Luna na Alliance of Concerned Transport Organizations na maghain ng panibagong petisyon para sa fare hike sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ayon kay Medina, masyado itong mabigat para sa mga ordinaryong pasahero at hindi makatarungan gayung katataas pa lang ng pamasahe sa jeepney mula sa dating P7.50 at ngayon ay P8.00 na sa unang apat na kilometro.

Idiniin pa ni Medina, na karamihan pa sa mga pumapasadang jeepney sa ngayon sa buong bansa ay depektibo, marumi at kakarag-karag.

Sinabi naman ni De Luna na hihirit sila ng P1.50 dagdag-pasahe sa dyip dahil hindi na kaya ng mga tsuper ang mataas na presyo ng diesel.

Kaugnay nito, ibinunyag ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide, ang mas matinding transport protest laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa kasalukuyan umano ay pumalo na sa P45.70 kada litro ang presyo ng diesel sa Metro Manila, samantalang sa probinsiya ay umaabot ng P52 hanggang P54 kada litro.

Sinabi ni PISTON Secretary General George San Mateo na ilalahad nila sa kanilang protesta ang tatlong kahilingan kay Pangulong Aquino, kasama na ang pagsasagawa ng gobyerno ng audit sa tatlong malalaking kompanya ng langis sa bansa upang malaman kung tama ang ipinapataw nilang price increases.

Ihihirit din ng grupo ni San Mateo ang pagkakaroon ng oil price control at pagbasura sa value added tax.

Sa unang linggo naman ng Abril, isang nationwide na tigil-pasada ang inihahanda ng PISTON kapag wala pa ring nangyari sa kanilang mga hinaing.

Inihayag ni San Mateo na salungat din ang PISTON sa plano ng ibang transport group na humirit muli ng dagdag-pasahe dahil wala rin umanong kwenta dahil lalamunin lang ito ng oil price hike. Alex/Amor Virata

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply