P10M pondo ng NFA pinapasauli kay Imelda

HINILING ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) at ng Office of the Solicitor General sa Sandiganbayan Fifth Division na ipatupad na ang   naging  desisyon ng graft court noong  Set. 9, 2010  na  ipasauli sa gobyerno kay Ilocos Norte Rep. Imelda Romualdez-Marcos ang P10 million pondo ng  National Food Authority (NFA) na  umano’y  sikretong  inilipat  ng kanyang  yumaong  asawa  sa  isang  private  account  sa Security Bank noong  Hulyo 27, 1983.

Binigyang diin nina  Solicitor General Jose Anselmo I. Cadiz at  PCGG Commissioner Gerard A. Mosquera na  ang kautusan  ay dapat  ipatupad matapos na hindi man lamang nag-file ng motion for reconsideration si Rep. Marcos makaraang mapaso  ito ng halos anim na buwan.

“Records reveal that Imelda R. Marcos, as defendant and as legal representative of her spouse, co-defendant Ferdinand E. Marcos, did not file a motion for reconsideration or an appeal of the decision. The case is now ripe for execution,” anila.

Sa ruling  ng graft court  ay lumitaw na si dating Presidente Ferdinand E. Marcos ay nagbulsa  ng P10 million mula sa account ng NFA sa  Philippines National Bank (PNB).

Bukod  anila  sa  kawalan ng   paper  trail sa pagtunton  sa   nasabing  halaga ng  salapi  ay   naging matibay  na  ebidensya ang naging salaysay ni dating  NFA Administrator Jesus Tanchanco upang matukoy ang nasabing transaksyon.

Tumestigo  rin sina PNB vice president Antonio Alcaras at sales and service head Ruby Ocampo na wala sa kanilang libro kung saan makikita ang pag-transfer ng pondo simula nang  magkaroon ng  record sa loob ng  sampung  taon.

Inamin  din ni Tanchangco sa kanyang affidavit  na pinayagan nitong ipalabas ang P10 million mula sa NFA-PNB account base sa phoned instructions mula sa dating Pangulo.

Sinabi nito na si NFA comptroller Cesar A. Aquino ang siyang nag-withdraw nang ipag-utos n’ya ito at dinala ang  salapi  na isinilid  sa  tatlong malalaking  bag kay Security Bank president Rolando Gapud.

Bukod  sa P10 million reimbursement, ipinalabas  din ang kautusan kay Mrs. Marcos na bayaran ang interes ng nasabing halaga sa 27 taon at karagdagang penalty na P1 million bilang moral damages, P500,000 exemplary damages, P250,000 nominal damages, P200,000 attorney’s fees at ang halagang inabot ng litigation.

Ayon sa  PCGG-OSG lawyers, ang litigation cost na isinasaad  sa Section 8 (e) Rule 39 of the 1997 Revised Rules of Civil Procedure ay may halagang  P200,000. Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply