P143M gastos sa OFWs sa Libya inalmahan

INALMAHAN ng isang samahan ng   recruitment agency sa bansa ang plano ng Department of Labor and Employment na singilin sa  kanila ang P 143 milyon ginastos sa pagpapauwi sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya na nasa gitna ng civil war.

Sa isinagawan pagdinig ng Senate committee on foreign relations sa pamumuno ni Sen. Loren Legarda, iginiit ni Victor Fernandez Jr., presidente ng Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI), na hindi sila nangangakong mababayaran nila ang DOLE sa sinisingil na P143M dahil hindi naman sila nakasisiguro kung sa kanila nanggaling ang OFWs sa Libya na ginastusan ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Fernandez na sasagutin lamang nila ang OFWs na sakop ng ‘initial contract’ pero wala na silang pakialam sa mga Filipino na nag-renew ng kontrata sa kanilang employer at hindi na dumaan sa orihinal na recruitment agency.

Aniya, kailangang himayin ang datos ng lahat ng ginastusan ng DOLE upang maihiwalay ang OFWs na may initial contract at OFWs na nag-renew ng contract, gayundin ang mga undocumented.

Iginiit din ni Fernandez ang pagsusog sa Republic Act 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, partikular ang probisyon sa pag-ako ng employer sa repatriation ng OFW dahil nakasaad doon na kahit ‘personal belonging’ tulad ng kotse at appliances ng manggagawa ay sagot din nila ang gastos sa paghahakot .

Nauna rito,  tiniyak ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Carlos S. Cao Jr. na sisingilin ng gobyerno ang mga recruitment agency na nagpadala ng OFWs sa Libya at kung  sinuman ang hindi susunod, maaaring masuspinde ang lisensiya.

“Sisingilin natin ang dapat singilin,”pagtiyak ni Cao. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply