P150K sa tipster sa killer ng DZME broadcaster

UMABOT na sa P150,000 ang magiging pabuya kung sino ang makakapagturo sa pumatay sa  radio anchorwoman sa Malabon City.

Magbibigay ng P100,000 si Malabon Mayor Canuto Oreta habang P50,000 naman ang ibibigay ng National Press Club (NPC) at Alyansa ng mga Filipinong Mamamahayag (AFIMA) sa sinuman responsable sa pagpatay kay Marlina “Len” Flores-Somera ng DZME.

Si Somera, na isang radio anchorwoman ng DZME, ay binaril at napatay noong nakaraang Huwebes, Marso 24.

Ayon kina NPC president Jerry Yap at Afima president Benny Antiporda, si Somera ang pangalawang journalist na napatay ngayong taon at pang-apat mula sa pagkakaluklok ni President Benigno Aquino III sa Malakanyang.

Ayon kay Yap, kinakailangan na aniyang makagawa ng isang malinaw na hakbang ang Pangulo ukol sa nangyari.

Ipinanukala rin nito ang pagbuo ng isang “superbody” na mag-iimbestiga laban sa pamamaslang sa media.

Inatasan na ni Yap ang committee on press freedom ng NPC na ayusin ang pambayad sa pabuya na magmumula sa pondo ng organisasyon at makakalap pa ng suporta para sa pagbubuo ng hinihinging inter-agency body.

“Everybody, including the president, should not be complacent about the lull in killings,” aniya.

Nagbabala si Yap na ang mga utak at pumatay kay Somera ay nasa tabi-tabi lamang at handang magsagawa ng iba pang pamamatay, partikular ang mga mamamahayag.

“It is high time that we work for the establishment of this superbody which they have already approved in principle last year,” ayon sa pangulo ng NPC.

Inilarawan ni Antiporda, dating Pangulo ng NPC, na dapat aksyunan agad ng pamahalaan ang nasabing kaso dahil maaaring maulit pa ang mga ganitong pangyayari kung hindi mahuhuli at mapapanagot sa batas ang mga salarin.

Dahil dito, nanawagan si Antiporda sa sino mang nakaaalam sa pangyayari na lumantad.

Nangakong itong bibigyan ng proteksyon at pabuya bilang tulong sa makapagbibigay ng impormasyon upang mahuli ang mastermind at mga nagsagawa ng karumal-dumal na krimen.

Magugunitang si Somera ay binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang mga salarin habang naglalakad papasok sa kanyang trabaho sa Barangay Maysilo, Malabon City, kung saan ito nakatira.

Sinasabing ang ugat umano ng pamamaslang ay maaaring may kinalaman sa pinag-aawayang lupa na kinatitirikan din ng bahay ni Somera sa naturang lugar.

Madalas pinag-uusapan ang isyung nabanggit sa kanyang programa sa DZME, kung saan siya ang anchor.

Naulila ng 44-anyos na si Somera ang tatlong maliliit na anak nito. Alex Ching/Rene Manahan

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply