P30-M dollar bonds binili ng mag-asawang Ligot

BUMILI ng multi-milyon-pisong halaga ng dollar bonds si dating military comptroller Jacinto Ligot at ang asawa nitong si Erlinda sa ilang dayuhang bangko.

Ito ang ibinulgar ni Sen. Franklin Drilon sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa umano’y malawakang katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni Drilon na naglagak ang mag-asawang Ligot ng ilang libu-libong dolyar na pamuhunan sa ilang dayuhang bangko at ginamit ang dollar account sa pagkuha ng mga investment.

Sa pagsisimula ng pagtatanong, inungkat ni Drilon na kung namumuhunan si Mrs. Ligot sa money market tulad ng pagbili ng bonds o share of stocks sa ilang dayuhang kumpanya o lokal na dambuhalang kumpanya sa bansa.

Sa kanyang tugon, sinabi ni Mrs. Ligot na naglagak siya ng pamuhunan sa pamamagitan ng pagbili ng share of stocks sa San Miguel Corp. noong 1976 sa halagang P2,000.

Ngunit tinukoy ni Drilon na nagkaroon ng paglalagak ng pamuhunan sa halagang $600,000 at $100,000 sa Deutche Bank na hindi bahagi ng forfeiture case na nakasampa sa Makati Regional Trial Court.

Nakuha ni Drilon ang naturang dokumento mula sa ulat ng Anti-Money Laundering Council na isinumite sa naturang korte.

Bukod dito, binanggit pa ni Drilon na naglagak o bumili din si Mrs. Ligot ng anim na treasury bonds mula sa National Treasury na nagkakahalagang P2.69 milyon noong Pebrero 7, 2007, at noong Abril 29, 2003, bumili din ang mag-asawa ng halagang $99,500 7 years note sa Hongkong and Shanghai Banking Corporation (HSBC).

Mayroon din silang pamuhunan sa halagang $200,000 na naging $279,273 sa naturang bangko na tinaguriang Fixed ROB Bonds.

Idinaan ang pamuhunan sa Deutche Bank sa Citicorp Insurance Brokerage Phils., Inc.

“Hindi ko po alam yan,” ayon kay Mrs. Ligot.

Itinanggi rin ni Jacinto Ligot ang binanggit ni Drilon na galing ang pondong ipinambili ng dollar bonds mula sa dollar account nito sa Citibank Corp. sa ilalim ng Dollar Account Number 8-143020-917.

Sa puntong ito, pinabulaanan naman ni Mrs. Ligot ang naturang pamuhunan na siyang naghudyat upang himukin nina Drilon at Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Jinggoy Estrada na lumagda ng waiver ang mag-asawang Ligot ukol sa nabanggit na lagak na pamuhunan.

Ayon sa mga senador, sa pamamagitan nito ay ilagay na lamang ang halaga sa kaban ng bansa.

Ayaw namang pumayag ni Mrs. Ligot na lumagda sa isang waiver, bagkus hiniling nito sa komite na ipakita muna sa kanya ang dokumento at mapag-aralan ng kanilang abogado dahil walang ibinigay ang korte sa kanila hinggil sa ganitong pamuhunan.
“Titignan muna namin ang account kung nasa pangalan ko po talaga. Pero, hindi po ako makakapagbigay ng waiver kung hindi namin nakikita ang dokumento o ang account,” ayon kay Mrs. Ligot. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply