P30-M lupain ni Cimatu sa Iloilo bistado ni Drilon

IBINULGAR ni Sen. Franklin Drilon na may mga ari-arian si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Roy Cimatu sa Iloilo City na nagkakahalagang P30 milyon sa ginanap na padinig hinggil sa talamak na korapsyon sa militar.

Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III, sinabi ni Drilon na may nakuha siyang titulo sa Registry of Deeds ng Iloilo City na nagpapatunay na may dalawang malalaking lupain ang dating hepe ng militar.

Mahigpit na itinanggi ni Cimatu ang alegasyon ng senador.

Aniya, maaaring ang tinutukoy na mga ari-arian ay pag-aari ng pamilya ng kanyang asawang si Fe.

Ayon sa dating heneral,  maraming lupain sa lungsod ang pamilya ng kanyang kabiyak.

Ayon kay Drilon, ang halaga ay natukoy mula sa nakuhang rekord ng pagkakautang ni Cimatu sa isang bangko na umaabot sa P24.4 milyon. Kung susumahin ang halagang ito bilang 80 porsiyento ng kabuuang halaga ng mga lupain ay aabot ang presyo nito ng P30 milyon.

“A loan in the amount of P24,408,000 was secured by the properties. And on liberal grant and security of the bank was 80% of the original amount of the property. So those properties are worth P30 mllion. And it is annotated in 2010,” paliwanag ni Drilon.

Ayon kay Drilon, isa sa mga lupain ay nakapangalan sa kanilang mag-asawa at ang isa naman ay nakapangalan sa kanyang kabiyak lamang.

“Hindi ko po matandaan kung bakit nailagay sa aking pangalan ang ari-arian na tinutukoy ninyo,” ayon kay Cimatu.

Sinabi ni Drilon na nabili ang naturang ari-arian noong 1984 base sa pagkakarehistro ng titulo sa Register of Deeds ng Iloilo na siyang kinuwestiyon naman ni Senate President Juan Ponce Enrile.

Ayon kay Enrile, dapat kumpleto ang impormasyon ni Drilon bago ilantad sa pagdinig ang mga pinaghihinalaang ari-arian kaya’t inatasan din nito ang senador na dagdagan pa at masusing imbestigahan ang naturang lupain.

“I regret to bringing this up with limited information,” giit ni Drilon. “We will find if these properties are legitimately acquired during their marriage.”  Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply