P508M ‘pabaon’ sa CAAP hihimayin ni Miriam

HINDI pa man nakakasuhan ang mga heneral na sangkot sa milyun-milyong pabaon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), panibagong anomalya na naman ang natuklasan ng isang senador na umaabot sa P508 milyon withdrawals galing sa kaban ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Sa panayam, sinabi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na kanyang pinaiimbestigahan sa kinauukulang komite ng Senado ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan na nagkaroon ng P508 milyong pabaon ang ilang nagretirong opisyal ng CAAP.

Ayon kay Santiago, nakarating sa kanyang tanggapan ang naturang impormasyon sa pamamagitan ng reklamong isinampa ng CAAP Employees Union (CAAP-EU) na nagsasabing may multi-milyong pondo ang nawawala sa kaban ng ahensiya na hinihinalang napunta sa pagreretiro o pagbibitiw sa tungkulin ng ilang opisyal ng tanggapan.

“Be it hereby resolved by the Philippine Senate, to direct the proper senate committee to conduct an inquiry, in aid of legislation, on the reported withdrawals by the Civil Aviation Authority of the Philippines amounting to P508 million that is allegedly connected to the deplorable send-off money practice,” ayon sa nilalaman ng resolusyon ni Sen. Santiago.

Sa report na natanggap ni Santiago, noong Pebrero hanggang Marso 2010, umabot sa P400 milyong ‘withdrawals’ ang ginawa ng CAAP subalit hindi naman ito nakarekord sa libro ng ahensiya.

Hinugot umano ang perang ito sa UCPB (United Coconut Planters Bank) at Landbank ni dating CAAP director-general Ruben Ciron bago siya pinalitan ni Alfonso Cusi.

Sa report naman ng Commission on Audit (COA) noong 2009, hindi rin nailista sa libro ng CAAP ang P237 milyong halaga ng withdrawal at P263 milyong halaga ng remittance.

Natuklasan din na nagkaroon ng P6.9 milyong withdrawal mula sa Landbank habang P102,764 naman sa UCPB.

Kumikita ang CAAP mula sa domestic at foreign airlines para sa paggamit ng airport, airspace at air navigational facilities. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply