P9B kinatkong ng oil companies noong 2010

HINDI lamang pananamantala sa kaguluhan sa Gitnang Silangan nang itaas ang presyo ng produktong petrolyo kundi multi-bilyong piso rin ang naibubulsa ng mga kumpanya ng langis sa pagbabayad ng buwis dulot ng tax credit certificates (TCC) na ibinibigay ng gobyerno.

Ibinulgar nitong Lunes, Marso 7, ni Sen. Ralph Recto na umabot sa halagang P9 bilyon ang natipid ng oil companies sa pagbabayad ng excise tax dahil nakabibili sila ng mga TCC sa secondary market na ginagamit nito sa pag-aangkat ng langis.

“Natuklasan natin na nagpalabas ang Bureau of Customs (BOC) ng halagang P10.92 bilyong halaga ng TCCs noong 2010, at P10.5 bilyon dito ang napunta sa kamay ng mga oil companies,” ayon kay Recto.

Sa naturang halaga ng TCC, sinabi ni Recto na nakatipid ang mga kumpanya ng langis ng halagang P9 bilyon, na dapat sana’y ibinayad sa gobyerno sa pamamagitan ng excise tax sa pag-aangkat ng langis.

Partikular na tinukoy ni Recto ang Shell at Petron, na nakabili ng TCC sa secondary market mula sa garment sector na nabili o nakuha sa presyong may diskuwento, na ang pinakamababa ay “70 percent off.”

“This means that aside from enjoying fat profits from their relentless oil price hikes, oil players effectively save millions more on their import taxes through the use of discounted TCCs,” himutok ni Recto.

Binibigyan ng TCC ng gobyerno ang mga negosyong nagluluwas ng produkto, tulad ng garments, bilang reimbursement sa import duties at buwis na kanilang binayaran sa pag-aangkat ng hilaw na materyales na gagamitin para sa produktong ibinebenta sa abroad.

Pero, sa halip na gamitin ang TCC bilang pambayad sa import bills, ibinibenta ito ng mga exporter upang mabilis na magkapera. Ang karaniwan nilang kliyente ay ang oil companies.

Dahil dito, hiniling ni Recto sa Department of Finance (DOF) na lusawin ang TCC system saka ipalit ang simpleng tax refund para sa mga exporter.

“The TCCs should be ultimately removed and replaced by a simple tax refund system to avoid abuses,” ayon kay Recto matapos ang pagdinig ng  Congressional Oversight Committee on the Comprehensive Tax Reform Package (COCCTRP), na kanyang pinamumunuan.

Suportado din ni Recto ang plano ng DOF na gamitin ang pagbabayad sa TCC sa taunang badyet upang maipatupad ang transparency at magtakda ng hangganan sa halaga.

Aniya, dapat limitahan din ang pangangalakal at pagbebenta ng TCC sa mga miyembro ng export industry at hadlangang makabili o makakuha nito sa mga kumpanyang hindi kalahok sa pagluluwas ng produkto.

“The DOF should make it a policy that the trading of TCCs should be limited to same industry, like garments to garments or electronics to electronics,” giit ni Recto. “At dapat talaga gagamitin lang ang TCCs sa importation at hindi para ibenta.”

Aniya, kung ipatutupad ang ganitong panukala, maiiwasan na ang Chingkoe-TCC scam na nagkaroon ng P73.76 milyong TCCs na nakuha mula 1995 hanggang 1997 base sa kahina-hinalang mga dokumento. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply