Pagbabadyet sa AFP itutulad sa Pentagon

NAIS ng isang senador na itulad sa sistemang ginagamit ng Pentagon, may sakop sa lahat ng sandatahang lakas ng Amerika ang pagbabadyet sa Sandatahang Lakas upang maiwasan umano ang korapsyon.

Kapag pinanigan ay tuluyan nang lulusawin ang J-6 o ang comptrollership ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinutakti ng sunod-sunod na intriga.

Sa panayam, sinabi ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na nasa proseso na siya sa paglikha ng panukalang batas upang baguhin ang budget cycle ng AFP partikular ang monopolyo ng J-6 sa lahat ng pondo ng militar na nagagamit sa korapsiyon.

“Ang inuuna ko ngayon, I am in the process of crafting a bill para baguhin ang budget cycle ng AFP,” ayon kay Estrada.

Nitong nakaraang tatlong linggo, nabulgar sa imbestigasyon ng Seante Blue Ribbon Committee ang daan-daang milyong perang nakulimbat ng ilang dating hepe ng J-6 tulad nina dating AFP comptroller ex-Major Gen. Carlos Garcia at ex-B/Gen. Jacinto Ligot.

Pangkaraniwang ginagamit nina Garcia at Ligot ang kanilang kapangyarihan sa paghawak ng pondo partikular ang perang inilaan ng Kongreso sa pasahod ng sundalo upang mangulimbat at mailagay sa sariling bank account.

Sinabi ni Estrada na napupunta halos ang lahat ng pondong inilaan ng Kongreso sa AFP na hindi nalalaman ng kalihim ng tanggulang bansa kaya’t nararapat nang gayahin ng Senado ang sistemang ipinaiiral ng Pentagon sa paghawak ng pondo.

Ang Pentagon ang counterpart ng Department of National Defense (DND) sa Pilipinas kaya’t lilikha ng batas si Estrada upang ilagay sa kamay ng kalihim ng naturang kagawaran ang paghawak sa pondo ng AFP.

Sa ganitong pamamaraan, ayon pa kay Estrada, sakaling magkaroon ng aberya sa pamamahala ng pondo ng AFP, isang tao na lamang ang responsable, di tulad ngayon na kalat-kalat ang responsibilidad kaya’t nahihirapan ang Kongreso na tukuyin ang salarin. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply