Pagbibitiw ni Singson sa Kamara babasahin na

KINUMPIRMA ni An Waray Rep. Florencio “Bem” Noel, chairman ng House committee on accounts, na nakatakdang basahin ni Speaker Feliciano “SB” Belmonte ngayong hapon, Miyerkules, sa sesyon ng Kamara de Representantes ang pagbibitiw ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson.

Gayundin ay ihahayag ni Belmonte ang pansamantalang “caretaker congressman” sa distrito ni Singson.

Sa sandaling maihayag ang kusang pagbibitiw ni Singson ay tatanggalin na ng secretary-general ng Kamara ang pangalan nito sa listahan ng mga miyembro ng Kongreso.

Hihilingin naman ni Belmonte kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, chairman ng House committee on suffrage and electoral reforms, na magsulong ng resolusyon na nagpapaabot sa Commission on Elections (Comelec) na bakante na ang puwesto sa unang distrito ng Ilocos Sur.

Ito ang magbibigay-daan upang makapagtakda ang Comelec ng special election sa nasabing distrito.

Ang pagbibitiw ni Singson ay unang na-email kay Belmonte noong Martes ng hapon. Dinala ang orihinal na kopya o hard copy nito sa Maynila gabi ng Martes.

Si Singson ay nasa Hong Kong kung saan siya ay nakakulong. Naparusahan ang kongresista ng mahigit isang taon sa kalaboso matapos mahatulan ng korte doon ng drug trafficking.

Si Singson ang kauna-unahang kongresista na kusang nagbitiw sa puwesto matapos mahatulan at maparusahan ng pagkakakulong ng isang korte.

Ang mga nauna kay Singson ay sina Nueva Ecija Rep. Nicanor de Guzman sa kasong gun-smuggling at Zamboanga Rep. Romeo Jalosjos sa kasong rape.

Ang mga kaso nina De Guzman at Jalosjoy ay idinaan sa House committee on ethics bago napatalsik sa Kamara.  Meliza Maluntag

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply