Pagbubukas sa BNPP mas mapanganib — DENR

NANINIWALA si Environment  Secretary Ramon J.P. Paje na imbes makatulong ay mas malalagay pa sa panganib ang publiko kapag binuksan ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

“The danger now outweighs the need,” pahayag ni Paje nang matanong ng mamamahayag hinggil sa naturang isyu.

Reaksyon ito ni Paje kaugnay ng pagputok ng usapin na lumalabo ang pagbubukas ng BNPP bunsod nga ng naganap sa Fukushima No. 1 nuclear plant sa Japan na sumabog matapos sirain ng lindol ang cooling system ng nabanggit na pasilidad.

Mismong si Senate President Juan Ponce Enrile ang nagmungkahi kay Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III na ipatawag na ang Filipino scientist upang mapag-aralan ang nangyari sa Japan.

Anang senador, bukod sa kailangan nating matukoy kung may epekto ang radiation ng naturang power plant na sumabog sa ating karatig-bansa, mahalaga rin na pag-aralan muna maigi ang naging karanasan ng mga Hapones bago pagpasyahan kung pabubuksan o hindi ang nasabing power plant.

Samantala, tiniyak naman ni Secretary Paje na walang dapat ipag-alala ang publiko sapagkat sa kasalukuyan ay hindi pa nakakakita ng dahilan ang awtoridad para masabing delikadong maapektuhan ang bansa ng radiation na mula sa sumabog na nuclear power plant sa Japan.

Ipinaliwanag ni Paje na dahil sa mababa lang ang antas ng radiation na posible nating makuha mula sa pumutok na Japanese nuclear power plant, kung maabutan man nito ang ating katawan ay matatanggal din sa pagligo.

Mas dapat pa umanong bantayan ang mga dam gayundin ang ating mga sakahan para hindi makontamina ng radiation sapagkat mas magdudulot ng peligro sa ating kalusugan sakaling madapuan ng radiation ang ating inumin at pagkain.

Ngunit, nilinaw ni Paje na aabutin pa ng napakaraming taon bago ma-develop ang mga sakit na maidudulot sa katawan ng pag-inom at pagkain ng anumang bagay na naabot ng radiation. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply