Pagdukot sa mga paslit tinututukan sa Valenzuela

INIHAYAG ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela na tinututukan na nila ang kaso ng balitang pagsalakay sa kanilang lugar ng sindikato ng “human organ trafficking” at sunud-sunod na pagdukot sa mga paslit ng mga naka-bonnet na kalalakihan.

Sa opisyal na pahayag ni Mayor Sherwin Gatchalian sa kanilang website, inamin nito na nakatanggap na sila ng maraming ulat sa telepono, text messages, at maging sa internet at maging sa media ukol sa pagdukot sa mga bata na pinapaslang at tinatanggalan ng lamang-loob para ibenta ng sindikato sa malaking halaga.

Ito umano ang nagbunsod sa kanila na paimbestigahan ang isyu kung saan pinakilos ang mga tauhan ng City Hall, Valenzuela City Police, Liga ng mga Barangay at Division of City Schools.

Isinailalim sa imbestigasyon ang mga barangay, paaralan, pulisya, at maging mga punerarya kung saan wala umanong basehan ang ulat ng “human organ trafficking” dahil sa walang sapat na ebidensya at posibleng produkto lamang ng malikot na imahinasyon at pagkakalat ng maling impormasyon.

Ngunit sa kabila nito, may ilang ulat na nailabas sa telebisyon na anim na paslit ang nakarekord sa Valenzuela City Police na nakaligtas sa tangkang pagdukot ng mga lalaking sakay ng isang van at nakasuot ng bonnet.

Sinabi naman ni Sr. Supt. Eric Reyes, hepe ng Valenzuela Police, na ipinag-utos na niya sa kaniyang mga tauhan na manmanan at inspeksyuning mabuti ang mga sasakyan na puro lalaki ang lulan upang maberepika ang naturang ulat.

Hinikayat naman ni Mayor Gatchalian ang mga residente na sa halip na ipagkalat ang balita, maaaring direktang iulat ang kanilang nalalaman sa Valenzuela Police (02) 986-6627, Special Projects Team (02) 352-4000 o sa Valenzuela Public Information Office (02) 292-9168, 352-1000 local 1822 at 1921.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply