Paglitis sa Maguindanao massacre tuloy na

IPAGPAPATULOY na muli ang paglilitis sa Maguindanao massacre sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 matapos ang isang linggong pahinga.

Matatandaang sinuspinde ng isang linggo ang pagdinig dahil kinakailangang dumalo ni Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes sa PHILJA (Philippine Judges Academy)-sponsored seminar na “Personal Security Training for Judges” noong Marso 22-24.

Buhat noong magsimula ang paglilitis ng kaso, kung saan ilang miyembro ng maimpluwensiyang angkan ng Ampatuan sa Maguindanao ang sangkot, nagtalaga ng security details ang Korte Suprema kay Judge Solis-Reyes.

Batay sa records ng pagdinig ngayon, ipagpapatuloy ng prosekusyon ang presentasyon ng saksing si Chief Insp. Raymond Cabling, hepe ng Region XII Police Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Sa kanyang nakaraang pagharap sa korte, ipinakita ni Cabling ang mga larawan mula sa crime scene at ang karumal-dumal na sugat na natamo ng mga pinaslang na biktima.

Bunsod ng pansamantalang pagtigil sa pagdinig, nagkaroon ng panahon ang bagong prosecution panel na itinalaga ni Justice Secretary Leila De Lima upang pag-aralan ang napakakapal na dokumento ng kaso.

Noong Marso 9, nag-isyu si De Lima ng Department Order No. 172, na nagbabalasa sa prosecution panel ng Maguindanao massacre cases at nag-aalis kay Asst. Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon bilang pinuno ng naturang panel at papalitan siya ni Peter Medalle mula sa DoJ city office ng Zamboanga.

Umaasa naman si private prosecutor Harry Roque na ang sorpresang pagbalasa sa mga state prosecutor ay hindi magdudulot ng pagkaantala sa pag-uusig ng kaso.

Aniya, may dalawang araw kada linggo ang pagdinig ng kaso at ang records ay kailangan pang pag-aralan ng bagong panel ng prosekusyon. Robert C. Ticzon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply