Paglutang ni Lacson may bahid-pulitika — bishop

NANINIWALA ang isang obispo ng Simbahang Katoliko na posible umanong may bahid-pulitika ang muling paglutang sa Senado ni Senador Panfilo Lacson, matapos na mataon sa nakatakdang impeachment hearing laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Ayon kay Basilan Bishop Martin Jumoad, magiging malaki ang kontribusyon ni Lacson sa nakatakdang impeachment hearing ng Senado laban kay Gutierrez dahil mahalaga ang boto nito, sa oras na magbotohan na ang Senado para mapatalsik sa puwesto ang ombudsman.

“Malaki ang paniniwala ko na may pulitika talaga diyan. Malaki kasi ang maitutulong ng boto ni Senador Lacson kapag nagbotohan na sa Senado sa kaso ni Gutierrez,” ayon sa obispo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Jumoad na susundin ng mga senador ang batas at hindi pupulitikahin ang proseso ng impeachment hearing.

Payo pa ng Obispo sa senador, pairalin ang kanilang konsensiya sa pagdinig ng kaso ni Gutierrez at iisantabi ang partisan politics.

Kaugnay nito, pinayuhan din ni Jumoad si Gutierrez na harapin ang impeachment complaint na inihain sa kanya at tanggapin ang anumang resulta nito.

“I am hoping na they will follow the law at if ever na found guilty ang ombudsman, then she has to face the consequence of her office,” dagdag pa ni Jumoad.

Matatandaang si Lacson ay isa sa mga kilalang kritiko ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa madalas nitong pagbubunyag ng mga katiwaliang umano’y kinasasangkutan ng dating pangulo.

Nagtago sa ibang bansa ang senador matapos na madiin sa Dacer-Corbito double murder case at muli lamang na bumalik sa bansa nitong nakaraang Linggo nang i-abswelto ng Court of Appeals (CA) at bawiin ang warrant of arrest na inisyu ng hukuman laban sa kaniya. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply