Pagpapatalsik kay Gutierrez tiyak – Akbayan lawmaker

TINIYAK ni Akbayan Rep. Arlene Bag-ao na mapapatalsik na sa kaniyang puwesto si Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Sinabi ng mambabatas na 99.9 porsiyento ang tsansang mai-impeach si Gutierrez dahil matibay ang basehan ng dalawang inihaing reklamo ng Akbayan at Bagong Alyansang Makabayan laban sa Ombudsman.

Magbobotohan na ang mga miyembro ng House committee on justice ngayon, Martes, Marso 1, kung sapat ang ebidensya laban sa Ombudsman sumipot man ito o hindi.

Kumpiyansa naman si House Majority Leader Neptali Gonzales Jr. na magkakaroon ng korum ang simula ng marathon hearing ngayong umaga dahil alam ng mga kongresista na maikli na lamang ang kanilang panahon para tapusin sa committee level ang impeachment case laban kay Gutierrerez.

Naniniwala si Bag-ao na desidido ang liderato ng Kamara at ng administrasyong Aquino na masisipa si Gutierrez bilang isa sa mga hakbangin sa pagpapalakas ng nasabing tanggapan upang epektibong malabanan ang katiwalian.

Inakusahan nito si Gutierrez ng pagtatanggol kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na ngayon ay kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Kamara de Representantes.

Ani Bag-ao, si Gutierrez ay isang balakid upang pagbayarin sa batas ang mga umabuso sa kapangyarihan noong nakaraang administrasyon.

Sa sandaling ma-impeach aniya ng Kamara si Gutierrez ay iaakyat sa Senado ang article of impeachment laban dito para sa paglilitis kung saan ang mga senador ang magsisilbing hukom. Meliza Maluntag

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply