Palasyo dumepensa sa press freedom

“HINDI dapat minamanduhan at pinakikialaman ng sinomang opisyal ng pamahalaan ang mamamahayag pagdating sa kung ano ang anggulo nito sa isang istorya lalo na kung may kinalaman kay Pangulong Benigno Aquino, III.”

‘Yan ang mariing sagot ni Deputy Presidential spokesperson Atty. Abigail Valte sa isang ambush interview. Aniya’y dapat hinahayaan ng government officials ang media na gawin ang istorya pabor man o hindi sa Chief Executive.

“Hindi dapat ganun eh, dahil ang media ang nagdedesisyon kung ano ang kanilang ire-report, kung ano ang magiging anggulo. Hindi kami dapat na makialam d’yan,” ayon pa kay Valte.

Ito ang naging pahayag ni Valte makaraang makarating sa Palasyo ang ginawa ni Press Assistant Secretary for Media Relations Rey Marfil na di umano’y pagmamanipula ng magiging takbo ng istorya ng mga reporter ng government TV stations.

Nabatid na kabilang sa mga insidente ang naging komprontasyon nito sa isang lady reporter ng isang TV station na pilit niyang inaalam kung ano ang anggulo ng magiging istorya nito na kung saan ay tahasang sinabi ni Marfil na kapag hindi binago ang istorya ay madali namang kausapin ang mga big boss ng kompanya at madaling magpa-reshuffle ng tao.

Nagpahayag naman ng pangamba ang mga nakasaksing reporter dahil minsan na umanong nagawa ni Marfil na magpatapon ng  reporter ng IBC 13 na dating nakatalaga sa Senado.

Kaugnay nito, tuluy-tuloy ang pagkondena ng mga mamamahayag sa pakikialam ni Marfil sa kanilang trabaho.
Anila, walang karapatan si Marfil na diktahan sila kung ano ang kanilang isusulat.

Sa kabilang dako, sa halip na bigyan ng konkretong sagot sa usaping Freedom of Information ay tinawanan lang ni Usec. Valte ang balitang sinasakal ng Malakanyang ang press freedom dahil na rin sa kabiguan na maisama ang FOI bill sa idinaos na Legislative Executive Development Advisory Council meeting kamakailan.

Basta’t binigyang diin na lang ng nasabing opisyal na ang Aquino government ang masasabing “most transparent administration” sa lahat.

“Hindi naman natin sasakalin  ang press freedom, we value the existence of the 4th state. We are very open lalo na si Pangulong Aquino, napaka-open po niyan sa ating  mga kaibigan sa media,” dagdag pa nito.

Nauna nang nanawagan ang mga mamamahayag kay Pangulong Aquino na aksyunan at bigyan ng tunay na kalayaan ang pamamahayag hindi lang sa palasyo kundi sa buong bansa.

Kasunod nito, nangangamba naman ang mga mamamahayag kung aaksyunan nga ng Punong Ehekutibo ang pangyayari dahil naging kahina-hinala rin na hanggang sa ngayon ay walang ipinakikitang hayagang interes ang Palasyo sa usapin ng FOI bill. Kris Jose

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply