Pamasahe ng sundalo, kinatkong din sa pabaon

WALA talagang patawad ang mga dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil hindi lang suweldo ng sundalo ang kanilang dinukot kundi pati na ang pamasahe na kasya lang sa pang-tricycle ay ibinulsa pa rin.

Ayon kay Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, ang pondo para sa pamasahe ng sundalong magbabakasyon ay nakapaloob sa ‘R & R’ fund na umaabot din ng ilang milyong piso.

Sinabi ni Estrada na nagbigay na ng paunang detalye ang whistleblower sa AFP corruption na si dating budget officer retired Lt. Col. George Rabusa na ang R and R fund para sa buong kasundaluhan ay kasama sa ipina-convert para pondohan ang slash fund na ginagamit para sa personal na pangangailangan ng AFP officers tulad ng P 10 milyong pasalubong, P 5 milyong buwanang payola at milyon-milyong pisong pabaon ng chief of staff ng AFP.

“He (Rabusa) mentioned to me once or twice that the funds for the R and R of the soldiers were also being diverted or converted so I will have to checked on it and once proven I will also expose that during the hearing,” pagtitiyak ng senador.

Matatandaan nananilbihan si Rabusa kina dating AFP Comptroller Lt. Gen. Jacinto Ligot( ret.) at Maj. Gen. Carlos Garcia (ret.) noong chief of staff si Gen. Angelo Reyes, Gen. Diomedio Villanueva at Gen. Roy Cimatu.

Nagtungo si Estrada sa headquarter ng Western Command sa Puerto Princesa, Palawan nitong biyernes kung saan inalam niya ang kalagayan ng mga sundalo doon.

Sa isang open forum, isang Sgt. Maj. Logan ang nagreklamo na sa tuwing uuwi siya sa kanyang pamilya sa Maynila, siya pa ang gumagastos sa kanyang pamasahe.

“Kung may R and R po kami, we are paying for our own pamasahe, kami na ang nagso-shoulder ng aming pamasahe,” reklamo ng sarhento.

Inamin naman ni Western Command commander Lt. Gen. Juancho Sabban na may R and R fund pa rin ang mga sundalo ngayon subalit masyado itong napakaliit dahil sa 500 tropa ng bawat batalyon, P 30,000 lamang ang nakalaan dito kada tatlong buwan o P 60 kada isang sundalo.

“May mga biruan nga po na kung i-distribute yung P 30,000 sa battalion for one quarter eh kulang pa ng pang-tricycle,”wika ni Sabban.

Nangako naman si Estrada na idudulog niya kay Defense Secretary Voltaire Gazmin ang hinaing na ito, gayundin kay Sen. Franklin Drilon, chairman ng senate committee on finance upang madagdagan ang pondo ng sundalo para sa pamasahe nila sa kanilang bakasyon. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply