Pambansang kilos protesta ikinasa ng Piston sa Marso 31

IKINASA na ng militanteng grupo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor (Piston) ang  “national day of protest” sa Marso 31 bunga ng pagkunsinti umano ni Pangulong Benigno Aquino, III sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Ayon sa grupo walang ginagawang pagkilos ang pamahalaan upang masugpo ang pananamantala ng tatlong dambuhalang oil companies sa ginagawang overpricing ng langis.

Sinabi ni Piston secretary general George San Mateo, ang kilos protesta ay sabay-sabay nilang ilulunsad sa buong chapter ng samahan sa buong bansa.

Ipinahayag pa ni San Mateo na nai-organisa na nila ang 500 drivers at operators sa National Capital Region (NCR) bukod pa sa 200 commuters mula sa iba’t ibang sektor at magkikita-kita sa Quezon Memorial Circle dakong 9:00 ng umaga bago sabay-sabay na lulusob sa Malakanyang para kalampagin ang Pangulo.

Binatikos ng Piston ang administrasyong Aquino dahil sa kabiguan nitong magawan ng paraan ang patuloy na pagtaas ng langis at krudo na mula sa P32 ay umabot sa P46.50 kada litro.

Nilinaw ng Piston na ang transport sector ay nakiusap na sa Pangulo para magsagawa ng imbestigasyon sa overpricing ng Big 3 oil cartel na magsasamantala sa ipinatutupad na oil deregulation law.

Sa halip umanong gumawa ng hakbang, pinahihintulutan o kinukunsiti pa ni Aquino ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Bukod sa patuloy na pagsirit ng produktong petrolyo, isa na naman pasanin sa taumbayan ang pagpapahintulot ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board  (LTFRB) ng provisional increase sa mga bus.

Sa ordinary at aircon bus ay P1.00 provisional ang dagdag sa pasahe bunsod nito ay tataas sa P12.00 ang pasahe sa aircon bus sa unang limang  kilometro habang P2.20  sa mga  susunod na kilometro at 10.00 naman ang magiging minimum sa ordinary bus sa Metro Manila.

Epektibo ang taas pasahe ng bus sa Metro Manila mula sa Martes, Marso 29. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply