Pangitaing walang ka-corrupt-corrupt

HINDI naman masamang mangarap, di ba? Ang masama ay kung talagang may gagawa ng pangarap ko.

Pero natitiyak kong sinuman ang gagawa ng bagay na pinangarap ko na masasabing “masama” ay ituturing ng mga susunod na henerasyon na bayani o mga bayani (kung marami silang gagawa nito).

Ano ang pangarap na tinutukoy ko? Ganito: Ihilera ang mga heneral (pati na kaya mga major at koronel?) ng Armed Forces of the Philippines (pati na kaya ang Philippine National Police?)  at i-firing squad (sabi sa inyo masama eh).

Pagkatapos ay ipalit sa kanila ang mga bagong gradweyt ng Philippine Military Academy at iba pang eskwelahan kung saan nanggagaling ang mga sundalo.

Alam ko na ang sasabihin ninyo: “Napaka-brutal naman ng pangarap mo! Di ba dapat ang isang pangarap ay positibo?”

Tinitiyak ko sa inyong positibo ito kasi ito ay magdudulot ng pagbabago—mula sa kabulukan patungo sa pagiging sariwa. “Fresh start,” ‘ika nga.

Sasabihin marahil ninyo , “Rebolusyon naman ang gusto mo eh! Masyadong delikado!”

Okey, okey, rebolusyon na kung rebolusyon, eh ano naman kung rebolusyon? Sinubukan na nating mag-ebolusyon.

Di ba’t matapos ang Edsa 1, na ipinagdiwang ang ika-25 anibersaryo kailan lamang, ay ebolusyon ng military ang sinubok gawin? May nagbago ba?

Kung may nagbago man ay palala at hindi papunta sa kainaman.

Sa ika-25 taon ng eksperimentasyong ebolusyon kuno ng militar mula sa mapang-api at corrupt na militar ni dating diktador na Pangulong Ferdinand E. Marcos patungo sa isang “corruption-free AFP” ay tumambad sa bansa ang multi-milyon-pisong “pabaon at pasalubong” scam sa militar na sangkot ang mismong mga AFP chief of staff.

Sa gitna nga ng isyung ito nagpakamatay si dating AFP chief Angelo Reyes sa di pa malinawang dahilan. Yung iba namang naging AFP chief ay nakasalang pa rin sa mga maiinit na mata ng mga mambabatas at mamamayan.

Hindi ba’t lalong gumulo?

May hamon din si Pangulong Noynoy Aquino sa 196 na bagong gradweyt ng PMA: “NANDITO kayo hindi para magpayaman.” Maliwanag ‘yan.

Malay natin, makinig ang mga batang ito kay Pangulong Noynoy?

Kaya’t naisip ko lang, bakit hindi na lang gawing mga heneral ang mga bagong gradweyt na PMAyer? Bakit di na lang gawing AFP chief si Angelo Edward Parras, ang valedictorian ng Batch Laon-Alab 2011?

Alam kong hiwalay ito sa tradisyon. Matanda pa rin ang ipapalit sa mas matanda nang hepe ng AFP.

Ayokong maging killjoy, pero nalalabuan talaga ako d’yan.

Kasi naman, ang mga heneral ay nakarating sa puwesto nila matapos ang mahabang panahon ng pagiging exposed sa maraming “katotohanan” at mga di-kanais-nais na “sistema” tulad ng pulitikahan sa loob at labas ng AFP.

Hindi na sila puro. Marami nang nasagap na alikabok at dumi ng mundo bago maging heneral. Natunaw na ang ideyalismo nila, kung nagkaroon man.

Ang alam ko ay may sistema sa loob ng Sandatahang Lakas na tila humihigop sa kahit sinumang hindi na puro patung sa korapsyon.

Mga bagong gradweyt ng PMA bilang mga heneral matapos i-firing squad ang mga matatanda at may mga tahid nang heneral? Hhmmm…

Malay natin? Hindi naman masamang mangarap, di ba?-Fort Nicolas

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply