Papogi ng DFA officials tinuligsa

TINULIGSA ng isang overseas Filipino worker (OFW) sina Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario at Usec. Esteban Conejos sa umano’y ginawang “pagpapapogi” sa media sa ginawa nilang pagpasok kamakailan sa Benghazi, Libya.

Ayon kay Gil Estoce Lebria, 37, tubong Davao del Norte, isa sa 104 na OFW na dumating lulan ng Philippine Airlines flight 731, tahasang inihayag nito na wala silang natanggap na tulong mula sa pamahalaan bagkus inabandona sila sa gitna ng kaguluhan.

Ang grupo ni Lebria ay bahagi ng 1,725 manggagawang Pinoy na pasahero ng barkong Luxury Liner noong Marso 1 mula Benghazi hanggang sa Crete Island, isang isla na sakop ng bansang Greece.

“Nang pumunta si Sec. del Rosario kasama si Usec. Conejos sa Benghazi, kinuha lamang ang mga pangalan namin, saka umabas sila ng border na walang anumang tulong na iniwan,” anang Lebria.

Isiniwalat ni Lebria na ang sinasabing convoy ng mahigit sa 20 bus ay binayaran daw ng kanilang kumpanya at hindi ang pamahalaan na inaako sa media ni del Rosario.

“Kawawa ang mga naiwang Pinoy sa kalapit na compound ng kumpanya namin. Siguro mga 2,000 ang naghihintay na mailikas ng gobyerno. Wala silang mainom at makain, at yung iba ay umiiyak na,” ani Lebria.

Nang dumating si Lebria kamakalawa ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), galit itong nagsisigaw sa harapan ng mga mamamahayag saka hayagang binatikos ang mga opisyales ng Departmet of Foreign Affairs, Philippine Overseas Employment Agency at Overseas Workers Welfare Administration sa pag-abandona at kawalan ng tulong sa mga OFW na lumilikas mula sa Libya.

Inireklamo nito na hindi pa pala natapos ang kanilang kalbaryo matapos ang mahirap na bumiyahe ng isang linggo na walang dalang pagkain at tubig na maiinom at matinding takot na dinanas dahil sa mga naghuhurumentadong mga rebelde.

Ayon kay Lebria,  pagdating nila sa Pilipinas ay “paghihintayin kami para lamang sa magpakuha ng litrato.”

“Hindi namin kailangan ang pampalubag loob na sombrero. Ang kailangan namin ay pera at pagkain na kailangan ng pamilya ko.” pasigaw pa na dagdag ni Lebria. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply