Pasahe tataas pag isina-pribado ang MRT – Villar

NANGANGAMBA si Sen. Manny Villar na hindi mapigilan ng gobyerno ang pagtaas ng singil sa pasahe sa Metro Rail Transit (MRT)-Line kapag isina-pribado ang kompanya.

Sa panayam matapos ang pagdinig ng Senate committee on trade and industry, sinabi din ni Villar na hindi dapat sumabay ang gobyerno sa pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT Line 1 and 2, sa harap ng lumolobong presyo ng pangunahing bilihin dulot ng pagtaas ng halaga ng langis.

Ayon kay Villar, hindi nararapat na isapribado ng administrasyon ang MRT tulad ng plano ng Department of Transportation and Communications (DOTC) upang makatipid ang gobyerno sa paglaan ng subsidyo sa naturang sistema.

“Ang concern ko is fare increase.  Kasi baka mai-privatize ito ng basta-basta at hindi natin mapigilan ang fare increase. Sa ngayon kasi pag-aari ng government yan. So pag ayaw ng government na magtaas ng fare pwede. Pero pag-privatized na ‘yan, hindi mo na kontrolado,” ayon kay Villar.

Aniya, hindi dapat dagdagan ng administrasyon ang bumibigat na pasanin ng mamamayan sa sunud-sunod na pagtaas ng pangunahing bilihin tulad ng langis at pinakahuli ang presyo ng tinapay dulot ng pagtaas ng halaga ng trigo sa pandaigdigang pamilihan.

“Government naman ang may ari ng MRT sa ngayon at hindi dapat sumabay ang government sa mga price increases. Syempre kailangan din mag-adjust ng konti pero hindi muna ngayon. Kaya hinihingan ko ng paliwanag ang LRTA at MRT 3 bakit sila kailangan magtaas ngayon kung kailan tumataas lahat,” aniya.

Sinabi pa ni Villar na tila nagtuturuan ang ilang ahensiya ng pamahalaan sa katanungan ng karamihan kung sino ang dating may-ari o sinu-sinong kompanya ang sangkot sa pagtatayo ng MRT upang matukoy ng Senado kung ano ang dapat gawin sa naturang sistema.

“Hindi ko kasi alam kung sino mga kumpanya na involved dito. Right now tinatanong nga namin, hindi naman masabi sa amin kung sino yung mga kumpanya na involved,” sabi pa ni Villar. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply