Impeachment aabot sa Senado — Tañada

SIGURADONG-SIGURADO na si House Deputy Speaker Erin Tañada na aabot sa Senado ang impeachment complaint laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Sa panayam sa kanya sa NewsTV-Channel 11, sinabi ni Tañada na 95 votes lamang ang kailangan, o 1/3 ng kabuuang 284 na mga mambabatas, sa botohan sa plenaryo para sa resolusyon na inihanda ng House committee on justice.

Ang nabanggit na resolusyon ay siya ring magsisilbing article of impeachment na ihahain ng Kamara sa Senado kung saan ang mga senador ang magsisilbing mga hukom.

“Ang botohan po ay mangyayari sa susunod na linggo (March 22 at 23). Kagabi ay pina-finalize na namin ang article of impeachment. Tapos na po iyon. For final review na lang po ng mga prosecutors sa mga senador kung bakit may betrayal of public trust ang ating Ombudsman kaya importanteng binabasa po namin iyong mga sinusulat sa article of impeachment,” sinabi ni Tanada.

Ipinaliwanag pa ni Tañada na kumpleto na halos ang impeachment proceedings sa Kamara laban kay Gutierrez kung saan unang napagbotohan sa komite ang sufficiency in form and substance, sufficiency in grounds, probable cause.

Aniya kapag naiakyat na ang article of impeachment sa Senado ay pag-uusapan ng mga mambabatas kung paano kikilos ang Kongreso dahil pwede aniyang gawin ang impeachment sa umaga at sa hapon naman ang sesyon “upang hindi maapektuhan ang paggawa ng batas.”

Tiniyak din ni Tañada na walang walk-out na magaganap sa impeachment na ito, hindi kagaya noong panahon ng impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada na hindi natapos ang impeachment proceedings dahil nag-walk out ang ilang senador na siyang naging hudyat ng panibagong EDSA revolution.

Magugunitang bago nagbotohan para sa probable cause ay nagbigay ng marching order si Pangulong Aquino sa mga miyembro ng Liberal Party na “impeach Merci.” Meliza Maluntag

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply