Patalastas sa RH bill tinuligsa ni Davide

TINULIGSA ni dating Chief Justice Hilario Davide ang bagong patalastas sa telebisyon tungkol sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill kung saan isinusulong ang naturang panukala bilang pagkakataon sa isang pamilya na magkaroon ng magandang kinabukasan.

Sa pahayag ni Davide, sa idinaos na “Walk for Life” ng mga miyembro ng Knights of Columbus Philippines-Luzon nitong Sabado, Marso 26, labis aniya siyang nadismaya nang mapanood ang nasabing advertisement sa telebisyon dahil mistulang nawala na ang pananampalataya at tiwala ng tao sa Diyos.

Si dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel ang tampok sa advertisement na inisponsoran ng RH bill lobby group na Philippine Legislators Committee on Population and Development (PLCPD).

“I asked myself: Have we lost our faith and trust in God that we now would leave our future to chance,” ani Davide.

Nanindigan si Davide na kapag naisabatas ang panukalang RH bill ay lalabagin nito ang pangunahing karapatang pantao na mabuhay.

“The right to life begins with the right to life of the unborn and human mystery of creation,” giit ng dating Chief Justice.

Tinatayang aabot sa 7,000 miyembro ng Knights of Columbus ang lumahok sa Walk for Life.

Nagbitbit ang mga ito ng ng anti-RH bill placards at streamers habang nagmamartsa mula sa Intramuros patungo sa Rajah Sulayman Park sa Malate, Manila kung saan sila nagdaos ng isang programa.

Bagamat nakadalo si Davide sa isang Banal na Misa sa San Agustin Church, nabigo naman itong sumama sa pagmamartsa at sa programa dahil kailangan nitong dumalo sa graduation ng kaniyang apo at nagpaabot na lamang ng mensahe sa kanyang mga kapwa miyembro.

Ayon naman kay Knights of Columbus-Luzon spokesperson Arsenio Isidro Yap, kung sakaling maipasa ang RH bill sa Kongreso ay kukuwestiyunin nila sa Korte Suprema ang ‘constitutionality’ nito.

“We see it as unconstitutional because for Congress life begins at implementation. While in the Constitution, life begins at conception,” giit ni Yap.  “So there is a violation there. If they want to uphold that, they should change the Constitution first and define when life begins.”

Dumalo rin sa rally sina Manila Mayor Alfredo Lim at Alonso Tan na State Deputy at Supreme Director ng Knights of Columbus-Luzon. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply