Patayan pa rin sa ‘Bayanihan’

HABANG tumatanggap ng salapi ang mga biktima ng martial law bilang kabayaran sa kanilang pagdurusa, pumapasok naman ang mga balita na pinapatay pa  rin angmga aktibista sa kanayunan.

Nagpaalam na sa mga sundalo ang magreretirong hepe ng militar na si  Ricardo David Jr. At sa kanyang pag-alis iniwan niya ang umano’y bagong  pamamaraan ng pakikipaglaban sa insurhensiya sa bansa, ang “Security  Plan Bayanihan.”

Maganda pakinggan ang bagong “approach” na ito na nangangailangan ng sama-samang pagkilos ng mamamayan upang tapusin ang kahirapan at  inhustisya sa bansa na siyang ugat ng rebelyon.

Subalit, habang  isinisiwalat ni David ang napaka-“innovative” na pamamaraan, iniulat  naman ng mga grupo para sa karapatang pantao na may napatay na aktibista  sa Bicol region.

Ayon sa militar, rebeldeng NPA ang nasawing si Rodel Estrallado,  subalit ayon sa grupong Karapatan, miyembro ng partidong Bayan Muna ang  biktima.

Kinuha umano si Estrallado ng mga armadong lalaki na  nagpakilalang mga ahente ng PDEA. Itinanggi naman ng PDEA ang ulat at  sinabing wala silang ginawang operasyon sa lugar. Ayon sa militar,  napatay si Estrallado sa isang
“encounter.”

Sa Mindanao naman, isang katutubong B’laan na kaalyado ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang pinatay sa Sta. Cruz, Davao del Sur. Na-“salvage” daw ang biktima kasama ang kanyang anak na lalaki ng mga sundalo ng Philippine Army.

Papaano naman magkakaroon ng tunay na hustisya at pagtatapos sa  insurhensiya dito sa atin kung patuloy ang ganitong mga karahasan.  Anuman ang itawag – Bayanihan man o Bantay Laya – sa plano ng militar sa  paglaban sa mga rebelde, kahit magkano man ang ibabayad sa pamilya ng  mga biktima ng karahasan, hindi makakamit ang katarungan kung patuloy  ang pamamaslang.

Hindi salapi mula sa pamilyang Marcos o kaninuman o ang pagbago ng  pangalan sa pakikipaglaban ang magtatapos sa problema ng inhustisya at  kahirapan. Matatapos lamang ito sa pamamagitan ng pagbabago at  pagtutuwid ng mga isipan ng mga tao gobyerno, lalo na ng mga sundalo.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply