PCOS sa ARMM election haharangin ng CBCP

UMAPELA sa Commission on Elections (Comelec) ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na huwag nang gamitin sa halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang mga kontrobersiyal na precinct count optical scan (PCOS) machines.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA), hanggang ngayon ay marami pang isyu sa naturang mga makina ng Smartmatic na hindi pa nareresolba kaya mahigpit ang pagtutol nilang magamit pa ito.

Ang naturang PCOS machines ay matatandaang ginamit sa May 2010 national and local polls, ngunit maraming isyu ng dayaan ang ikinokonekta rito.

Kasama ang iba’t ibang multi-sectoral group, hiniling ni Pabillo sa Comelec na baguhin ang desisyon na gamitin ang PCOS sa ARMM polls.

Umapela rin sina Pabillo sa poll body na ibalik sa manu-mano o manual elections ang halalan sa naturang rehiyon.

Pinagbasehan ng reklamo nina Pabillo ang kabiguan ng Comelec na sundin ang mga probisyon ng Election Automation Law sa paggamit ng PCOS system noong May 2010 presidential polls.

Bukod pa aniya rito ang patuloy na pagtanggi ng Comelec na ilabas sa publiko ang source code at pag-aalis ng digital signature ng automated election system (AES), na napakahalagang detalye.

Maging ang poll watchdog group na AESWatch ay hiniling sa Comelec na baguhin na ang desisyon hinggil sa paggamit ng PCOS machines.

Ang ARMM polls ay nakatakda sa Agosto 8, subalit may mga panukala sa Kongreso na  ipagpaliban ito at isabay na lamang sa 2013 midterm elections. Kyle Gatus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply