Peke, teroristang piloto sa CAAP kakalkalin

NAIS malaman ni Sen. Jinggoy Estrada kung paano masusugpo ang talamak na pagbibigay ng lisensiya sa mga peke at teroristang piloto ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kaya nakatakdang imbestigahan ang ahensiya.

Ayon kay Estrada, napapanahon nang imbestigahan ang ahensiya upang makalikha ng kaukulang pagbabago sa batas partikular ang sistemang ipinatutupad ng CAAP kung bakit nagkakaroon ng peke at teroristang piloto sa ating bansa na nagpapagulo sa aviation industry.

Nakarating sa tanggapan ni Estrada ang impormasyon na talamak na nakakakuha ng lisensiya ang ilang pekeng piloto dulot ng isang sindikato sa loob ng CAAP at mabuway na implementasyon ng batas ng mga opisyal nito na hindi lamang nakakapagbigay ng negatibong imahe sa bansa kundi nagiging kanlungan tayo ng international terrorist groups.

“What is also bothering me is the possibility that some foreign nationals, especially those from the Middle East and licensed by the CAAP as pilots, would later turn out to be members of terrorist groups as what happened before,” dagdag ni Jinggoy.

Tinukoy ni Estrada si Mohamed Atta, na kumuha ng flying lessons sa Pilipinas noong 1999. Si Atta ang itinuturong isa sa sangkot sa pag-atake ng terorista sa United States noong September  11, 2001.

Natuklasan ng imbestigador sa US na dalawa pang 9/11 terorrist, sina Marwan Alshehii at Hassan Banihammad kabilang ang ilan pang international terrorist ang palaging bumibisita sa ating bansa sa mga nakaraan. Dagdag pa ito, karamihan sa naglunsad ng pag-atake ng 9/11 ay pawang taga-Saudi Arabia.

Kuwestiyonable rin umano ang pagkakaapruba sa lisensiya ng ilang dayuhan noong nakaraang taon mula sa CAAP kabilang ang limang Saudi nationals, tatlong Indians, dalawang Nepalese at isang Japanese national.

Patuloy na nakakuha ng bagsak na marka ang aviation industry sa Pilipinas kaya’t nananatiling nasa Category 2 ang bansa dahil nabigo ang bansa na sundin ang pandaigdigang pagkilos at regulasyon sa kaligtasan sa aviation sector kaya aniya, nararapat nang bisitahin muli ang batas na lumikha sa CAAP upang makita kung kinakailangan ng pag-aamyenda. Ernie Reyes

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply