Pekeng PCSO employee arestado

KALABOSO ang isang ginang matapos maaresto sa Quezon City sa pagpapanggap na empleyado ito ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) para makakulekta ng malaking pera kapalit ang “guarantee letter” mula sa nasabing ahensya.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Cynthia Ferrer, 44, ng 2682 Welfare Ville, Mandaluyong City.

Si Ferrer ay inaresto dahil sa reklamo ng mga biktimang sina Donna Donor Javier, 33; Maricel Bernardo, 30; Papo Daniela Candelaria, 23; at Rowena Bustillosa, 41.

Sa inisyal na ulat ni Senior Insp. Romulo Terrano Jr ng Quezon City Police Station 10 (QC-PS10), umabot sa P80,000 ang nakuha ni Ferrer sa mga biktima kapalit ang pangakong magbibigay siya umano ng guarantee letter mula sa ahensya ng PCSO.

Naganap umano ang panggagantso ng suspek sa mga biktima noong March 2 hanggang March 28, 2011 sa loob ng Philippine Hearth Center sa East Avenue sa lungsod kung saan nagbigay sila ng nasabing halaga.

Nabatid na ang guarantee letter ay ibinibigay umano ng PCSO para sa mga mahihirap na may sakit na hindi kayang magbayad ng bill sa mga ospital.

Lumabas sa pagsisiyasat ni Senior Insp. Romulo Terrado Jr., hepe ng investigation unit ng Police Station 10, ang nasabing letter ang ipinapangako ng suspek sa bawat kaanak ng mga pasyente na nasa ospital, ngunit may kapalit itong halaga na hindi lalampas sa P20,000.

Subalit nang simulang beripikahin ng mga biktima ay nadiskubre nilang hindi pala konektado o empleyado ng PCSO ang suspek dahilan para manmanan ang ikinikilos nito  sa loob ng PHC.

Kaya naman nang maispatan muli ang suspek dakong alas-11:30 ng umaga sa nasabing ospital ay agad na inaresto ng security guard si Ferrer at dinala sa himpilan ng pulisya upang sagutin ang reklamo ng mga biktima.

Pitong counts sa kasong estafa ang isinampa laban sa naturang suspect na nakapiit ngayon sa QC-PS10. James de Jesus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply