Pension credits ng mga guro posibleng masayang

MALAKI ang posibilidad na maglaho at masayang lamang ang pension credits ng may 198,000 guro at empleyado ng Department of Education sa Government Service and Insurance System (GSIS).

Ibinabala ito ni House Assistant Majority Leader at Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles matapos aminin ng mga opisyal ng DepEd na nabigo silang mahabol ang deadline ng GSIS upang ma-update ang service records ng mga tauhan nito.

Nauna nang idineklara ng mga kinatawan ng GSIS sa naging pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Iloilo Rep. Jerry Trenas, na mapipilitan silang pagbatayan na lamang ang lumang service records ng mga guro at empleyado matapos hindi umabot sa deadline noong Pebrero 28 ang DepEd para magsumite ng bagong talaan.

“The committee was told that the GSIS will treat the outdated records as true even if it is to the detriment and disadvantage of the teachers. Sorry na lang daw sila kung malas nila na isa sila sa mga hindi na-update,” ayon kay Nograles.

“This is very disturbing because it only reveals the utter arrogance and apathy of those running the GSIS and the education department which seems to be so inept in managing the records of their own people,”
dagdag pa ng kongresista.

Naungkat din ng Kamara na hindi naiayos agad ng DepEd ang rekord nito para sa remittances ng GSIS contributions ng kanilang mga kawani at guro bagamat nagawa na itong ibawas sa kanilang mga suweldo.

Nadiskubre rin na malaking halaga ng premiums ang hindi pa nai-remit ng DepEd sa GSIS simula noong 1997 hanggang 1998.

“Basta ang alam lang ng mga teachers, may automatic deduction ang GSIS sa suweldo nila and obviously, they (teachers) just assume it is being remitted to GSIS. Hindi na kasalanan ng teacher if the premiums are not being remitted. Kasalanan yan ng DepEd so I don’t understand why the teachers are being made to suffer,” sinabi ni Nograles.

Bunsod nito, iginiit na ng mga kongresista sa GSIS na ipatigil ang pagbabawas sa suweldo ng mga guro ng halagang hindi pa nai-remit para sa benepisyo ng mga guro at Dep-Ed.

Dapat din anilang ibalik sa mga guro ang mali o dobleng pagkaltas sa kanilang sweldo para sa GSIS premiums na may kasama ng interes o tubo. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply