Petisyon ng mga taga-West Tower diringgin na ng SC

ITINAKDA na ng Korte Suprema ang pagdaraos ng preliminary conference at pagdinig para sa petition for writ of kalikasan na inihain ng mga residente ng West Tower Condominium sa Lungsod ng Makati.

Sa resolusyon na ipinalabas noong ika-15 ng Pebrero, itinakda ng Kataas-taasang hukuman ang pagdinig sa ika-24 ng Marso na pangangasiwaan ni Associate Justice Presbitero Velasco Jr.

Gagawin ang preliminary conference at ang pagdinig para tukuyin, gawing simple at linawin ang mga isyu na may kinalaman sa kaso.

Nag-ugat ang kaso sa tumagas na langis sa basement ng West Tower na natunton na nagmula sa nasirang pipeline ng First Philippine Industrial Corporation.

Matatandaan na noong Nobyembre 2010, nagpalabas ang Korte Suprema ng kauna-unahang writ of kalikasan at ng kauna-unahang temporary environmental protection order na nag-aatas sa FPIC na itigil pansamantala ang operaasyon ng kanilang pipeline.

Sa inihaing petisyon ng mga residente ng West Tower, iginiit nila na may naging paglabag ang FPIC sa ilang mga batas sa kalikasan kabilang na ang Clean Air Act at Clean Water Act.

Hiniling din nila sa hukuman na permanente nang ipasara ang operasyon ng FPIC pipeline dahil sa banta na maaari nitong idulot hindi lang sa mga residente ng West Tower kundi sa komunidad na malapit dito. Teresa Tavares

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply