Pilipinas ligtas sa radiation – DOST, DOH

NAGPAHAYAG ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Health (DOH) na ligtas ang Pilipinas sa pagkakalantad sa radiation mula sa pinsalang dulot ng pagsabog ng Fukushima nuclear power plant sa Japan kamakailan.

Sa isinagawang briefing ng ilang opisyal ng gobyerno sa pangunguna ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino, III, iginiit ni DOH Secretary Enrique Ona at DOST Secretary Mario Montejo sa publiko na huwag maniwala sa umanoý nuclear meltdown sa Fukushima o sa iba pang panig ng Japan na nagbabanta sa maaaring pagkalat ng radiation.

Idiniin ni Montejo na ang kumakalat na balita na dapat na mamalagi lamang sa loob ng bahay at magsuot ng kapote kung lalabas ay walang basehan at hindi mula sa DOST o sa National Disaster Risk Reduction Management Center (NDRRMC).

Nilinaw ng DOST na walang panganib na dala sa bansa ang nasabing insidente sa Fukushima sa Japan.

Ipinapayo ng ahensiya sa publiko na huwag maniwala sa mga kumakalat na balita sa text messages, emails, internet, at iba pang uri ng komunikasyon.

Huwag din i-entertain ang nasabing tsismis at itigil din ang pagpasa ng messages upang hindi makadagdag ng pagkalito o pagpa-panic sa ibang tao.

Patuloy din sa loob ng 24 oras ang pakikipag-ugnayan ng DOST sa International Atomic Energy Agency (IAEA), ang pinakamataas na awtoridad na may kinalaman sa nuclear, para sa updates ng Fukushima Daiichi plant.

Responsibilidad ng DOST na magbigay ng wasto, kapani-paniwala at napapanahong impormasyon kaugnay sa sitwasyon ng insidente sa Fukushima at sa posibleng epekto nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng lahat ng uri ng media at interpersonal channels.

Para sa karagdagang mga impormasyon, maaaring tumawag kay DOST-PNRI Director Alumanda dela Rosa at (632) 929- 4719 o 920-8738 o DOST-Science and Technology Information Institute (STII) sa (632) 837 2071 local 2148 o 2130.

Kabilang din sa dumalo ng briefing sina Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr., Budget and Management Secretary Florencio Abad, Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, Presidential Communications Development Office Secretary Ricky Carandang gayundin ang mga opisyal ng PNRI, the Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) at ang National Security Agency. Linda Bohol

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply