Piskal siyam taon kulong sa extortion

HINATULAN ng apat hanggang siyam na taon at apat na buwan na pagkakakulong ang isang assistant prosecutor ng Dagupan City nang mapatunayang guilty sa kasong pangingikil sa isang akusado na ang kaso ay dininig sa mismong kanyang tanggapan may anim taon na ang nakararaan.

Hinatulan ng Sandiganbayan 4th Division na makulong si Assistant City Prosecutor Joselito Barrozo ng Dagupan City dahil sa kasong “direct bribery.”

Sa 30-pahinang desisyon na pinonente ni Associate Justice Maria Cristina Cornejo, napatunayang tumanggap ng P20,000 si Barroso mula sa respondent na si Jennie Valeriano.

Umayon naman sa desisyon sina Associate Justices Gregory Ong at Jose Hernandez.

Maliban sa pagkabilanggo, pansamantala ring diskuwalipikado sa paghawak ng anumang tungkulin sa gobyerno ang naturang piskal bukod sa pinagmumulta siya ng P60,000 na higit pa sa kanyang kinikil.

Sa report, lumalabas na naharap sa kasong estafa si Valeriano na nabinbin sa tanggapan ni Barrozo na ibinasura naman ng piskal matapos hingan ng P20,000 ang una.

Inaresto si Barrozo sa isang entrapment operation noong Pebrero 14, 2005 na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa parking area na nasa gilid ng Dagupan City Justice Hall.

Habang nag-uusap umano sina Valeriano at Barrozo, iniabot ng una sa huli ang pera na isinuksok naman ng piskal sa loob ng kaliwang bulsa ng kanyang pantalon.

Dito na kumilos at sumugod ang operatiba ng NBI at inaresto si Barrozo na hindi na nakapalag pa.

Matapos ang paglilitis sa Sandiganbayan, kinatigan ng anti-graft court ang salaysay nina NBI special investigator Gideon Elfred Alidem Cauton, agent Levi Omar Orille, special investigator Richard De Guzman at Narlito Orhel, na nagpatunay na huli sa akto si Barrozo sa pagtanggap ng pera mula kay Valeriano. Robert C. Ticzon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply