Piston umalma sa panibagong oil price hike

IKAKASA ng Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at  Operators Nationwide (Piston) ang mas matitinding kilos-protesta bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay George San Mateo, secretary general ng grupo,  ikakasa na nila sa katapusan ng Marso ang malawakang kilos-protesta sa iba’t ibang  panig ng bansa kung saan sentro ang pagkilos sa Mendiola sa  Maynila.

Ito ay dahil na rin sa ikaapat na pagpapatupad ng oil price increase ngayong Marso ng ilang kumpanya ng langis.

Dakong 12:01 kaninang madaling araw ay nagdagdag na naman ang Pilipinas Shell ng 50 sentimo kada litro ng kanilang premium at unleaded diesel habang 30 sentimo naman sa kerosene at regular unleaded gasoline, 60 sentimo sa kada litro ng diesel habang nagpatupad ng kaparehong pagtaas ang independent oil player na Eastern Petroleum Philippines.

Epektibo kaninang 6:00 ng umaga ay nagtaas din ang Chevron Philippines (Caltex) ng 60 sentimo kada litro ng kanilang produkto.

Nagdagdag din ang Seaoil ng 60 sentimo sa kada litro ng kanilang diesel, 50 sentimo sa kanilang premium at unleaded gasoline at fixed price na P30 sa kada litro ng kanilang regular gasoline at kerosene.

Ang panibagong pagtaas ay kasunod ng paggalaw ng presyo nito sa World Petroleum Market.

Sinabi ni San Mateo, na kanilang ilalahad ang tatlong kahilingan kay Pangulong  Benigno “Noynoy” Aquino III kasama na ang pagsasagawa ng gobyerno ng audit sa tatlong malalaking kumpanya ng langis sa bansa upang malaman kung tama ang ipinapataw nilang price increase.

Aniya, ihihirit din nila ang pagkakaroon ng oil price control at pagbasura sa value added tax (VAT).

Inihayag ni San Mateo na hindi sila sang-ayon sa  plano ng ibang transport group na humirit ng panibagong dagdag na pasahe dahil wala rin umanong saysay at aniya ay lalamunin lang ng oil price hike. Johnny F. Arasga

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply