Planong Annual Information Return (AIR) ng BIR, tablado sa Senado

HINDI nagustuhan ng isang kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino, III ang plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pagsumitihin ng Annual Information Return (AIR) ang bawat taxpayer dahil magbibigay lamang ng sakit ng ulo ang bagong sistema.

Ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, hindi siya pabor sa bagong regulasyon ng BIR dahil magpapagulo lamang ito sa proseso ng taxation.

Aniya, hindi naman lahat ng taxpayer sa bansa ay marunong magkuwenta ng buwis na kanilang babayaran sa gobyerno kung kayat ang ginagawa dapat ng BIR ay simplehan ang proseso at hindi pasakitin ang ulo ng taxpayer.

“It’s actually a redundancy. And to my mind, the BIR should simplify instead of complicate the filing of returns and other info and payment of taxes,”giit ni Escudero.

Matapos lumabas sa pahayagan na oobligahin ng BIR ang mga pribadong indibiduwal na magsampa ng statement of assets and liabilities(SALN), nilinaw naman ni Commissioner Kim Henares na ang ipatutupad nila ay AIR at hindi SALN.

Gayunman, sa taong ito ay voluntary lamang ang paghahain ng AIR dahil sa susunod na taon pa ito magiging mandatory.

Sa nasabing regulasyon, ang sinumang kumikita ng P 40,000 kada buwan o halos P 500,000 kada taon ay maghahain na ng AIR at income tax return(ITR) bago sumapit ang Abril 15.

Nakapaloob sa AIR ang iba pang pinagkakakitaan ng taxpayer na hindi naisasama sa ITR. Ginawa ng BIR ang hakbang na ito dahil marami umano sa kilalang mayayaman sa bansa ay hindi naman napapabilang sa top taxpayer kada taon.

Ang dokumentong ito ay gagamitin ding requirement sa application ng loan o license ng isang taxpayer. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply