PNoy pinasusuportahan ang impeachment

NANAWAGAN si Pangulong Benigno Aquino III sa Sambayanang Pilipino na makiisa sa pagtataguyod ng articles of impeachment na gagamiting basehan ng mga Senator-Judge na didinig sa alegasyon laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez sa Senate Impeachment Court.

Sa kanyang talumpati sa Cagayan de Oro kanina, isinapubliko niya ang kanyang kahilingan na makuha ang suporta ng publiko sa pasisimula ng impeachment trial sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Anang Pangulo, mahalaga ang tagumpay sa naturang proseso dahil ito ang magbibigay daan upang mapatalsik sa puwesto si Gutierrez at tuluyan nang maisusulong ng kanyang administrasyon ang pagtahak sa tuwid na daan o pagsugpo sa mga katiwalian sa pamahalaan.

Aniya pa, sa sandali na mapalitan na ang namumuno sa Ombudsman ay siguradong uusad na ang gulong ng hustisya laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno na kasangkot sa mga anomalya sa nakalipas na administrasyong Arroyo.

Ito ang magbubukas ng pagkakataon upang magpatuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa, na malaya sa anumang klase ng katiwalian o kuropsyon.

Nauna rito, sa botong 212-46 ay inaprubahan sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang articles of impeachment na isinumite sa Senado sanhi ng mababang conviction rate ng Office of the Ombudsman sa pamumuno ni Gutierrez at ang sinasabing kawalan niya ng aksyon sa mga itinuturing na high profile cases ng nakalipas na administrasyong Arroyo.

Hinamon pa ng Punong Ehekutibo ang mga anti-corruption crusaders at mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan na pangunahan ang pagsuporta sa impeachment kontra Ombudsman Gutierrez.

Kabilang sa nilalaman ng articles of impeachment ay ang sinasabing pag-upo nito sa mga kontrobersyal na kaso tulad ng NBN-ZTE deal, fertilizer fund scam, Mega-Pacific, Pestaño case at NAIA 3.

Kaugnay nito, inalmahan naman ng Malakanyang ang bira ni Gutierrez kaugnay sa naging resulta at proseso ng kinakaharap nitong impeachment complaint sa Kamara.

Ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, isang makasaysayang kaganapan ang naging resulta ng botohan sa Kongreso.

Aniya, sa unang pagkakataon ay naisagawa ang impeachment proceeding alinsunod na rin sa intensyon ng mga constitutional commissioners.

Magugunitang sa kanyang pagharap sa media kahapon, tinawag ni Gutierrez na mababaw at nakadidismaya ang pagmamadali ng mga kongresista para aprubahan ang articles of impeachment. Axel Sam

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply