PNoy kinalampag sa P17B dagdag pondo sa agri-agra sector

HINDI maisasakatuparan ng administrasyong Aquino na magkaroon ng katiyakan at seguridad sa suplay ng pagkain kung hindi dadagdagan ng Department of Budget and Management (DBM) ng P17 bilyon ang pondo sa sektor ng agrikultura at repormang agraryo.

Ganito ang pagtataya ni Sen. Edgardo Angara matapos matuklasan na umaabot sa mahigit 800,000-ektarya ng irrigation canals ang hindi nakukumpuni sa buong bansa na nagbigay panganib na magkaroon ng sapat na pagkain.

Ayon kay Angara, namiminto ang krisis sa pagkain sa harap ng lumolobong halaga ng langis, kaya’t nararapat na bigyang prayoridad ng administrasyon ang pondong gagamitin sa sakahan tulad ng post-harvest facilities at irigasyon.

“Kailangan natin ang dagdag na pondo upang maisakatuparan ang plano sa modernisasyon ng agrikultura na nangangailangan ng P17 bilyon karagdagang pondo sa normal na badyet ng ahensiya sa Department of Agriculture at Department of Agrarian Reform” giit ni Angara.

“Nakakalungkot na sa halip makakuha ng karagdagang pondo, hindi nakatutugon ang badyet ng DA at DAR sa lumolobong implasyon at kaya bumabagsak ang produksiyon sa loob ng ilang nakalipas na panahon,” dagdag ni Angara.

Panukala ni Angara na dapat pagtuunan ng administrasyon ang dalawang pangunahing lugar sa pagpapaunlad ng industriya ng agrikultura.

Una, aniya, ang pagtatayo ng post-harvest facilities tulad ng flat-bed dryer para sa gilingan ng butil, core chain at cooker vans para sa pangisdaan na dapat magkaroon ng kanayunan upang mabawasan ang pagkalugi sa transportasyon mula sa sakahan tungo sa pamilihan.

Pangalawa, ayon pa sa dating kalihim ng agrikultura, pagpapaunlad ng milyon-milyong ektaryang sakahan na hindi nagagamit sa maraming taon sa pamamagitan ng pagkukumpunin ng makalumang sistema ng irigasyon.

“We must also rehabilitate some 800,000 hectares of irrigation canals which have long been out of repair, to gain use of huge tracts of rice- and corn-fields scattered throughout the country,” giit ni Angara.

Aniya, kung mapagtutuunan ng administrasyon ang naturang dalawang prayoridad, malaking bagay ito sa pagpapalago ng produksiyon sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. “Kailangan ang naturang panukala upang dahan-dahang makamit natin ang kasapatang-pansarili na siyang mahalaga sa pagsugpo ng kahirapan at kagutuman.” Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply