PNoy, mga obispo ipinagdasal ang 3 binitay na Pinoy

PINANGUNAHAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang pag-aalay ng panalangin kasama ang ilang miyembro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa kaluluwa ng tatlong Pinoy na binitay Miyerkules ng umaga sa China.

Ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda, kasalukuyang nakikipagpulong si Pangulong Aquino sa ilang obispo nang matanggap ang kumpirmasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipinatupad na ang hatol na kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection sa tatlong Pinoy drug mules na sina Sally Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo.

Sanhi ng natanggap na malungkot na balita ay nagpasya ang Punong Ehekutibo na pansamantalang itigil ang naturang pakikipag-usap at inaya ang mga obispo magtungo sa Malacañang chapel upang ipagdasal ang mga kaluluwa ng mga nabitay at magkaroon ng katatagan ng loob ang mga naulilang mga pamilya ng mga binitay sa China.

“They offered prayers for the repose of the souls led by Manila Archbishop Gaudencio Rosales,” pahayag pa ni Lacierda sa naging reaksyon ni Pangulong Aquino sa naturang kaganapan.

Maliban kay Archbishop Rosales, kasama rin ang Chief Executive na nag-alay ng panalangin sina Cebu Archbishop Ricardo Vidal, CBCP president Bishop Nereo Odchimar at CBCP secretary-general Monsignor Juanito Figura.

Sa panig naman ng opisyal na pamilya sa pamahalaan ni Pangulong Aquino, kasama rin na nagtungo sa chapel sina Social Works Secretary Corazon Soliman, Health Secretary Enrique Ona, Budget Secretary Florencio Abad at Presidential Management Staff head Julia Abad.

Kaugnay nito, sa opisyal na pahayag ng Palasyo, nakiisa ang administrasyong Aquino sa sambayanang Pilipino sa pakikiramay sa mga pamilya nina Villanueva, Batain at Credo.

Ani Lacierda, ang buhay ng tatlong kababayan ay dapat magsilbing aral sa bawat Pinoy na nawawasak ang buhay sanhi ng ilegal na operasyon ng mga sindikato ng droga na pawang inosenteng sibilyan ang binibiktima.

“Their deaths are a vivid lesson in the tragic toll the drug trade takes on entire families,” anang kalihim.

Binigyang-diin pa ni Lacierda na ginawa ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng posibleng tulong na maibibigay sa tatlong binitay upang tangkaing mailigtas ang mga ito sa kamatayan.

Subalit sanhi ng pinal na desisyon ng Mataas na Korte sa People’s Republic of China, naituloy na rin ang eksekusyon kina Villanueva, Batain at Credo makalipas ang isang buwan na pansamantalang ipinagpaliban ang pagpapataw ng bitay sa tatlong Pinoy na nahulihan na nagtangka na magpuslit ng droga.  Axel Sam

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply