PNoy nag-aalala sa mga nagpaiwang OFWs

NAG-AALALA si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino, III dahil 600 lamang mula sa kabuuang 2,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Libya ang tumugon sa paglilikas ng gobyerno palabas sa teritoryo na patuloy na binobomba ng allied forces sa pangunguna ng Estados Unidos.

Mismong ang Pangulo ang nagkumpirma sa mga mamamahayag kahapon na 600 nigranteng Pinoy lamang ang naisakay sa chartered ship ng pamahalaan ng Pilipinas na mayroong kapasidad na 1,700 pasahero.

Aniya, nagkakahalaga ng dalawang milyong Euros ang upa sa naturang barko upang hakutin palabas ng Libya ang OFWs at maiwasan ang mistulang giyera na nagaganap sa pagitan ng allied forces at puwersa ni Libyan strongman Moammar Gadhafi.

“We are concerned. We still have at least about 2,000 workers in Libya. I was just briefed about a few minutes ago that only 600 showed up,” anang Pangulo sa ambush interview kahapon sa Palasyo.

Ayon pa sa Chief Executive, malinaw ang naging ulat sa kanya ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario na ang isinagawang repatriation sa Tripoli ay ipinabatid ng embahada ng bansa sa bawat OFWs na patuloy na naiipit sa kabi-kabilang bombahan mula sa pinagsanib na puwersa ng US, United Kingdom, France, Italy, Canada at Spain.

Binanggit pa ng Pangulo na malinaw sa mga migranteng Pinoy na nagdesisyon na manatili pa rin sa Libya na ang isinasagawang paglilikas ng gobyerno ng Pilipinas ay posibleng huling yugto na rin bunsod naman ng tumitinding bakbakan sa pagitan ng magkalabang puwersa.

Anang Pangulo, posibleng mahirapan nang makakuha muli ng uupahan na barko ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa takot at pangamba na rin ng mga banyagang nagmamay-ari nito na madawit at maipit sa lumulubhang tension sa rehiyon ng Libya.

Tiniyak naman ng Pangulo na patuloy na sisiguraduhin ng embahada ng bansa na mabigyan proteksyon at manatiling ligtas ang mga nagmatigas na OFWs na manatili pa rin sa kabila ng bombahan na nagaganap sa Libya.

Ayon pa sa Pangulo, pawang mga may kaugnayan sa serbisyong pang-kalusugan ang mga OFWs na nananatili sa loob ng Libya. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply