PMAers, labanan ang korapsiyon – PNoy

“NANDITO kayo hindi para magpayaman,” ito ang pinagdiinan ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga bagong nagsipagtapos na kadete ng Philippine Military Academy ng Class Laon-Alab 2011 sa ginanap na 26th Commencement Exercises Linggo, Marso 6.

Hinamon din ni PNoy ang 196 bagong graduate na kadete na labanan ang korapsiyon, manindigan sa prinsipyo ng katapatan at pagmamalasakit sa bayan.

Babala pa nito, sana huwag silang magpayaman at magka-amnesia katulad ng ilang mga opisyal na nasasangkot sa anomalya sa Armed Forces ngayon.

“Wala tayong sasantuhin,” ang pahayag pa ng Pangulo.

Sa kabila nito, buo ang tiwala ni PNoy na magiging mabuting tagapagtanggol ng bayan ang mga bagong PMAer.

Isinagawa ang graduation ceremony sa Borromeo Field, Fort del Pilar sa Baguio City na dinaluhan rin nina Vice President Jejomar Binay, Defense Secretary Voltaire Gazmin, at Philippine Military Academy
Superintendent Leonardo Calderon.

Nanguna sa Laon-Alab 2011 batch si Cadet 1st Class Angelo Edward Parras na tubong Apalit, Pampanga at magsisilbi sa ilalim ng Philippine Navy bilang ensign.

Sa valedictory address ni Parras, tahasan nitong sinabi na hindi dapat madamay ang buong miyembro ng kanyang papasukang organisasyon dahil lamang sa pagkakamali ng isa.

“Huwag nating husgahan ang akademya dahil lamang sa ginawa ng iisang tao,” pahayag ng 21-anyos na PMA Top 1 graduate. Verlin Ruiz

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply