Presyo ng asukal, harina, manok bumaba na –DTI

SA KABILA ng patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo, inihayag ni Trade and Industry Secretary Gregory Domingo na pababa na ang “trend” sa presyo ng mga pangunahing bilihin kabilang ang asukal, mantika, harina, manok at gulay.

Ito umano ang napag-alaman sa katatapos na pulong ng National Price Coordinating Council (NPCC) kung saan ipinahayag na magpapatuloy ang pagbaba ng presyo sa susunod na dalawang linggo.

Iniulat ni Domingo na bumaba na sa P58-P60 ang presyo ng “refined sugar” mula P65.

Resulta umano ito ng pagdami ng suplay kung saan may presyuhan na P1,800 kada sako ng “raw sugar” sa mga gilingan na nararapat na may katumbas na P54 kada kilo.

Sinabi rin ng DTI na pababa rin ngayon ang presyo ng “wheat” na pangunahing sangkap sa arina.

Sinabi ni Undersecretary Zenaida Maglaya na kung magpapatuloy umano ito, nakikita ng ahensya na bababa ang mga produktong tinapay sa susunod na apat hanggang anim na linggo.

Kinumpirma rin sa DTI ng Department of Agriculture ang pagbaba sa presyo ng mga gulay lalo na ang pulang sibuyas.

Iniulat din ng Federation of Philippine Industries (FPI) na bumaba rin ang presyo ng kopra kaya inaasahan na bababa rin sa susunod na linggo ang halaga ng mantika.

Dahil dito, pinaalalahanan ng DTI ang kanilang “field officers” na ipagpatuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga pamilihan upang matiyak na magkakaroon ng tunay na epekto ang inaasahan nilang pagbaba sa mga nabanggit na produkto. Amor Virata/Johnny Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply