‘Pro-poor provisions’ sa RH Bill pangkalma sa Simbahan

UMAASA ang isang mambabatas na kahit bahagya ay magiging bukas ang mga lider ng Simbahang Katoliko sa pagpasa ng Reproductive Health Bill sakaling maaprubahang maisama sa panukala ang maraming makamahirap na probisyon isinumite nito.

Sinabi ni Gabriela Rep. Luz Ilagan nitong Huwebes na maraming pro-poor provisions ang nais nitong maging bahagi ng House Bill 4244 o Consolidated RH Bill, tulad ng pagkakaroon ng access ng mga mahihirap na babae hindi lamang sa mga contraceptives kundi sa mga healthcare services.

Kasama umano dito ang paggamot sa cervical at ovarian cancer at sa mga hindi magkaanak.

Batay rin sa nasabing batas, ang mga babaing manggagawa ay magkakaroon ng isang araw na bakasyong may bayad bawat buwan sa panahon ng kanilang pagbubuntis upang makasigurong sumasailalim sila sa pre-natal check-ups.

Kasama rin umano sa RH Bill ang mga healthcare services para sa mga taong may kapansanan, babae man o lalaki.

Ani Ilagan, palagay niya ay papayagan na ng Simbahang Katoliko ang bagong RH Bill dahil napakalaki ng maitutulong nito sa mga mahihirap.

Umaasa umano siyang magiging bukas ang kaisipan ng mga lider ng Simbahang Katoliko upang makisali sa mga debate at makagawa pa ng mas maayos na batas para sa mga mahihirap.

Aniya, sa sobrang taas ng presyo ng bilihin at sobrang baba naman ng sweldo, kailangan umanong bigyan ng kaluwagan ang mga mahihirao na babae at ang kanilang mga pamilya, lalong lalo na sa healthcare. Nenet L. Villafania

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply