Professor na nag-upload ng malaswang video ng estudyante nakalaya na

DISMAYADO ang kongresistang may-akda ng Cyberboso Bill nang pansamantalang nakalaya ang college dean at propesor na inakusahang nag-post ng malaswang video ng kanyang estudyante.

Sa Lingguhang Balitaan sa Serye, inilahad  ni Buhay Partylist Rep. Irwin Tieng na ang College dean na si Alexander Rible ng St. Jude College ng Maynila ay pansamantalang nakalalaya dahil sa piyansang P7,000 na inilagak sa Manila Regional Trial Court, sinampahan ng kasong paglabag sa Cyber Boso Bill o mas kilala bilang Republic Act 9995 Anti-Photo ang Video Voyeurism Act of 2009.

Pinayagan din ni Tieng ang  mamamahayag na makausap ang biktimang si Annika sa kondisyong itatago ang kanyang mukha sa camera.

Sa panayam ng Remate Online kay Annika, umiiyak itong inihayag ang aniya’y pambababoy sa kanya ni Rible kapalit ng pagpasa niya sa kanyang kursong Hotel and Restaurant Management.

“Ginamit niya (Rible) ang kapangyarihan para gipitin ako. Inarbor ako sa aking mga propesor at ipinakilalang pamangkin bagama’t hindi lahat ay naniniwala.  Akala ng mga propesor ay ginagamit ko si Dean para makapasa pero ang hindi nila alam ay ako ang ginagamit sa kanyang sexual fulfillment.”

Si Annika ay may isang apat na taong gulang na anak sa kanyang kasalukuyang boyfriend na naunang iniutos ni Rible na kanyang hiwalayan kung hindi ay “gagawin niyang impyerno ang buhay nito.”

Sinabi ni Annika na bagama’t nakahinga na siya nang maluwag dahil nakasuhan na si Rible, hindi pa rin aniya bumabalik sa normal ang kanyang buhay dahil patuloy na bumabalik sa kanyang alaala ang pambababoy ng guro.

Nanawagan din si Annika sa pamunuan ng mga paaralan na alaming mabuti ang background ng mga propesor na hina-hire upang hindi maulit ang katulad na pananamantala.

Pinayuhan din nito ang mga kapwa estudyante na mag-ingat at huwag agad magtiwala kasabay ng pagtanggi na sa simula pa lamang ay hindi na kabaitan ang ipinakita sa kaniya kundi “ang text niya sa akin ay puro kamanyakan.”

Sinabi ni Tieng na upang makapagbagong buhay ay ililipat na ng paaralan si Annika matapos bigyan ng isang abogado na tutulong sa kabuuan ng kaso.

Tiniyak din ni Tieng na hindi niya tatantanan ang kaso ni Annika hangga’t hindi napaparusahan kasabay ang panawagan sa iba pang biktima na lumantad upang mapanagot ang mga lumalabag sa ganitong batas. Meliza Maluntag

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply