Prosecutors sa masaker pinapalitan ni De Lima

KINUMPIRMA ng dating namumuno ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) na humahawak sa kaso ng Maguindanao Massacre na may alitan sila ng isa sa mga private lawyer ng pamilya ng mga biktima ng nasabing karumal-dumal na krimen.

Ayon kay Assistant State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, nakaalitan nila  si  Atty. Nena Santos, ang abugado ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu.

Hindi umano sang-ayon si Santos sa ilang istratehiya ng mga state prosecutor sa paghawak ng kaso.

Sinabi ni Fadullon na hindi nila napagkasunduan ay ang paraan kung paano ipipresenta ang testigo ng prosekusyon at ang panahon na kailangang ibigay sa mga testigo para mapaghandaan ang pagsalang sa witness stand.

Gayunman iginagalang pa rin ni Fadullon ang desisyon ni Justice Secretary Leila de Lima na palitan ang mga miyembro ng panel of prosecutors, bagama’t hindi umano sila nakonsulta bago ipalabas ang nasabing kautusan.

Nabatid din na noong Huwebes, Marso 10, ay nagsumite na ng resignation letter si Fadullon bilang pinuno ng panel.

Isang araw bago iyon ay nagpalabas na si De Lima ng Department Order na naghihirang sa mga bagong miyembro ng lupon.

Sa kabila ng alitan, nanindigan si Fadullon na hindi sila nagpabaya sa paghawak ng naturang kaso dahil pinaglaanan umano nila ito ng panahon at dedikasyon.

Samantala, sa kautusang ipinalabas ni De Lima na may petsang March 9, 2011, hinirang bilang kapalit ni Fadullon si Assistant Regional State Prosecutor Pete Medalle, habang sina State Prosecutor Juan Naveran Irwin Maraya, Karla Cabel at Amanda Felipe ay pinalitan nina Assistant State Prosecutor Amor Robles, Romeo Martin Seranilla at Grace Ruiz. Teresa Tavares

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply