Manileños hinimok sa pagresolba ng krimen

MAKIPAGTULUNGAN sa pamamagitan ng pagsusumbong sa mga otoridad, ito ang naging paghimok ni Mayor Alfredo Lim sa mga residente ng Maynila bunsod ng sunod-sunod na holdapan at krimen sa lungsod.

Ginawa ni Lim ang panawagan matapos madakip ang tatlong holdaper na naaktuhang nanghoholdap ng isang pampasaherong jeepney sa A. Mabini Street sa Malate nitong Huwebes ng umaga.

Ayon sa Alkalde, malaki ang maitutulong ng publiko sa pagresolba ng mga krimen kung kaagad na magsusumbong at magrereport ang mga ito sa mga otoridad sakaling may masasaksihan na mga katulad na krimen.

Inihalintulad ni Mayor Lim ang ginawa ng driver na si Rolando Hugo, 50, at ang security guard na si Ramil Agustin na naging malaki ang naging bahagi ng pagkakadakip sa mga suspek sa naganap na holdapan at ikinasawi ng isa sa mga sinasabing holdaper.

Nabatid na habang hinuholdap ng mga suspek na kinilalang sina Asis John Braga, 18;  Marco Omlang, 19;  Daniel Lesaca, 22; Marvin Bagunas, 18, at kapatid na si Mario Bagunas, 16, ang mga pasahero ng jeepney na minamaneho ni Hugo sa A. Mabini Street ay namataan ni Hugo ang mobile car na sinasakyan nina PO2 Ulysses San Diego at PO1 Rodolfo Ocampo na nakatalaga sa MPD-District Mobile Police Unit (DMPU).

Kaagad na itinigil ni Hugo ang jeepney sa tabi ng mobile car saka nagsisigaw at humingi ng saklolo mula sa mga pulis.

Nataranta naman umano ang mga suspek at nagtakbuhan, matapos ang engkuwentro at habulan ay napatay si Marvin Bagunas habang naaresto sina Braga, Omlang, at Lesaca sa tulong ni Agustin.

Nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang menor-de-edad na suspek na si Mario.

Pinapurihan naman ni Lim sina San Diego at Ocampo gayundin sina Hugo at Agustin dahil sa kanilang kabayanihan at binigyan ng monetary reward kasabay nang isinagawang People’s Day sa lungsod ng Maynila Biyernes ng umaga.Rene Crisostomo

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply