Radiation threat sa Japan paghandaan

PINAGHAHANDA na ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga ahensya ng pamahalaan na tutukan ang posibleng radiation threat bunsod ng iniulat na nuclear facility meltdown sa Japan, resulta ng mapaminsalang tsunami na dulot ng 8.9 lindol na yumanig sa Sendai at iba pang bahagi ng naturang bansa.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na mahigpit ang direktiba ni Pangulong Aquino sa National Security Council (NSC), Department of Science and Technology (DOST) at mga kaugnay na ahensya na i-monitor ang posibleng maganap sa Fukushima Daiichi nuclear power plant.

Kabilang din sa kinalampag ng Chief Executive bilang bahagi ng paghahanda ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) at Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na gumawa ng mga pagsasaliksik sa bantang epekto nito sa Pilipinas.

“Marami tayong factor na kailangan i-consider bago sabihing we should be on alert for a direct hit coming from the fallout so to speak,” paliwanag ni Valte.

Kaugnay nito, mabilis naman na kinalma ni DOST Secretary Mario Montejo ang pangamba ng publiko sa posibleng epekto ng nuclear meltdown sa bansa.

Aniya, kung pagbabasehan ang gawi ng ihip ng hangin sa mga susunod na tatlong araw ay makikita sa mga radar na palayo ng Pilipinas ang wind pattern mula sa apektadong bahagi ng Japan.

Iniulat din ng Kalihim ang kanyang pagtatalaga ng kanilang monitoring team na nakatutok sa mga sitwasyon sa Fukushima.

Kaugnay nito, kinumpirma na ni Japan Chief Cabinet Secretary Yukio Edano na nagkakaroon na umano ng “deforming” ang fuel rods sa Fukushima Daiichi No. 3 reactor na posibleng magdulot ng pagsabog.

Kahapon, nagkaroon ng malakas na pagsabog sa No. 1 nuclear plant na sinalanta ng tsunami.

Napag-alaman na dahil sa tsunami, bumagsak ang cooling system ng naturang nuclear plant at sa nakalipas na 24 oras, bigo ang pagsisikap ng mga opisyal ng Japan na  maayos ang cooling system ng planta. Axel Sam Santos

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply