Recruiter ng 83 babae na nasabat sa Zamboanga pinatutugis

INATASAN ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na magsagawa ng malawakang imbestigasyon para alamin kung sino ang recruiter ng 83 babae na nasabat sa Zamboanga City airport patungong Malaysia.

Kaugnay nito, pinagsusumite ni BI Commissioner Ricardo David Jr., ang immigration officers sa naturang lugar na magbigay ng follow-up report sa naganap na insidente at kinakailangang kilalanin at usigin ang responsable sa pagre-recruit sa mga babaing dadalhin sana sa Malaysia.

Batay sa ulat, ang mga babae ay nakatakdang sumakay sa isang chartered flight ng Lion Air patungong Kota Kinabalu, Sabah, Malaysia nang sitahin ng awtoridad.

Hinarang ang mga babae makaraang makatanggap ng impormasyon ang immigration office na may mga babaing pupuslit palabas ng bansa.

Dahil dito, pinapurihan ni David ang imimigration officers sa Zamboanga airport bunga ng kanilang pagsusumikap na magsugpo ang iligal na pagpupuslit ng mga babae  at matugis ang may pakana sa human trafficking at illegal recruitment activities.

Inatasan din ni David ang airport personnel na lalo pang palakasin ang kampanya para labanan ang anti-human trafficking at makipag-ugnayan sa law enforcement authorities upang labanan ang sindikato.

Ayon naman kay Immigration Associate Commissioner Alberto Braganza, ang mga babae ay mga prospective overseas workers na ang pinal na destinasyon ay sa Lebanan at Jordan.

Nabatid na ang mga babae ay dumating sa Manila sa iba’t ibang flight ng Philippine Airlines, Airphil at Cebu Pacific, ilang oras bago naganap ang pagkakasabat nila patungong Malaysia.

Napag-alaman pa na ilan sa mga ito ay may hawak na visa o nakapagtrabaho na sa Jordan, Lebanon, Dubai at United Arab Emirates.

Ito na umano ang ikalawang pagkakataon ngayong taon na nakasabat ang mga tauhan ng immigration officer sa  Zamboanga ng malaking bilang ng “tourist workers” na nagtangkang pumuslit sa southern port. Johnny F. Arasga

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply