Rendahan na ang mga kompanyang langis

PANAHON nang silipin ng mga onorabol ang pagmamalabis ng mga kompanyang langis at gawan ito ng kaukulang aksyon.

Nagmamalabis ang mga ito dahil pinatataas nila ang presyo ng petrolyo kahit kaunti lang ang epekto ng gulo sa Libya at iba pang Arabong bansa sa produksyon at bentahan ng langis.

Wala ring nagaganap na mga blockade ng mga barko ng langis at wala ring ibang mga gastos gaya ng mahal na insurance para sa langis at barkong nagbibiyahe nito.

Nito nakaraang dalawang linggo, umaabot na sa nasa P3 kada litro ang oil price hike ng mga kompanya ng langis at ginagamit ng mga ito ang kaguluhan na nagaganap umano lalo na sa Libya.

Eh nasa 2% lang naman ang kontribusyon ng Libya sa produksyon ng langis.

Sabi pa ni Sen. Recto, ang mga imbak na petrolyo ng mga kompanya sa nakalipas na dalawang buwan ay isinama na rin sa oil price hike.

oOo

Lumalabas na pinagloloko na tayo nang husto nitong mga kompanya ng langis.

Ang pamahalaan ang pangunahing may responsibilidad sa pagkontrol sa mga kompanyang langis sa masamang asal ng mga ito na magsamantala sa gitna ng kahit kaunting kaguluhan.

Dapat na muling silipin ng mga onorabol kung may silbi pa ang Oil Deregulation Law na ginagamit ng mga kompanyang langis para gawin ang gusto nila sa pagpepresyo at paglalagay ng suplay ng petrolyo sa bansa.

Hindi dapat na mag-antay ang mga onorabol ng mga kaguluhan mula sa nahihirapang taumbayan bago sila kumilos.

Kung kinakailangang buwagin na ang nasabing batas at ipasakamay sa pamahalaan ang negosyo sa langis, dapat nang gawin.

O PNoy, paano ito, huh?-Rey Briones

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply