Reporma at hindi abolisyon sa SK isinulong sa Kamara

NANAWAGAN ng reporma at hindi pagbuwag sa Sangguniang Kabataan si San Juan Rep. Jose Victor “JV” Ejercito matapos mapag-alaman na nagkaroon ng dayaan nitong nagdaang SK elections.

Labis na ikinadismayan ni Ejercito ang naging resulta ng nakaraang eleksiyon sa Liga ng mga Barangay at ng pederasyon ng SK sa kanilang lugar na nahaluan ng umano’y pandaraya.

“Ang nanalong pangulo ng kasalukuyang SK Federation sa aming lugar ay nanalo sa pamamagitan ng pandaraya, pananakot, at panunuhol ng mismong ama niya ang may pakana,” ayon kay Ejercito.

Sa halip aniyang buwagin ay makabubuting repasuhin ang batas ukol dito upang maisulong ang reporma dahil kailangan din naman aniyang may kinatawan ang mga kabataan sa pamahalaan.

Dagdag pa ng mambabatas na bagama’t hindi siya naging kasapi ng Kabataang Barangay noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ginugol naman umano niya ang kanyang kabataan sa pagseserbisyo sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagsali sa iba’t-ibang organisasyon tulad ng Junior Chamber International-Philippines o Philippine Jaycees, Kabataan ng Masang Pilipino, Estudyanteng Responsable para sa Aktibong Pamamahala at Mamamayang Ayaw sa Droga.

Sinabi pa ni Ejercito na ang pagsali niya sa mga nabanggit na samahan ang nagbukas sa kanyang isipan sa importansiya ng kabataan sa pagpapaunlad ng komunidad.

“Filipino youth is a crucial segment of the nation’s development and progress,” ayon kay Ejercito.

Naniniwala ang mambabatas na dapat ay bigyan pa ng pagkakataon ang SK at kasabay nito ay ang panawagan sa kanyang mga kasama sa Kongreso na huwag munang isulong ang tuluyang pagtatanggal sa samahang ito.

“Kinakailangan lamang na gabayan ang mga kabataang ito upang makapagsilbi sila ng maayos at naaayon sa kanilang madato at maiiwas sila sa mga pulitikong sinasamantala ang mga kabataang ito upang magamit sa kanilang pansariling kapakanan,” sinabi pa ni Ejercito. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply