RH Bill pro-poor – Miriam

NANINIWALA si Sen. Miriam Defensor –Santiago na malaki ang benipisyong makukuha ng mahihirap sakaling maisabatas ang Reproductive Health Bill na umabot na isang dekadang nakabinbin sa Kongreso.

Sa kanyang pagsasalita sa University of the Philippines Visayas, sinabi ni Santiago na dumadami ang bilang ng namamatay na ina sa sektor ng mahihirap dahil wala silang sapat na salapi sa kanilang pagbubuntis dahilan kaya may namamatay ding sanggol.

Aniya, walang ibang mabebenipisyuhan ng RH Bill kundi ang mahihirap upang magkaroon sila ng sapat na impormasyon at atensiyong-medikal sa tulong ng gobyerno sa pangangalaga ng mga nagbubuntis, maiwasan ang pagbubuntis ng kabataan at paglilipat ng sakit.

“Kayang tustusan ng kababaihan sa middle class at upper class na bumili ng sarili nilang contraceptive at iba pang reproductive health care services, di tulad ng karamihan sa kababaihang Filipina na nasa mas mababang antas ng kabuhayan,” giit ni Santiago.

Naniniwala pa si Santiago na nilalabag ng Kongreso ang mismong Saligang Batas na ipinagtatanggol ng lahat ng mambabatas sa pagkakaantala ng pagsasabatas ng RH Bill dahil tungkulin ng Estado na pangalagaan ang kalusugan ng kanyang mamamayan.

Aniya, umabot na sa isang dekadang pagkakaantala simula nang inihain sa Kongreso ang unang RH Bill noong Disyembre 2001 na naglalagay sa panganib sa kalusugan at buhay ng mga Filipino partikular ang kababaihan at sanggol.

Sinabi pa ni Santiago na kung patuloy na iaaantala ang pagsasabatas ng panukala, hindi naibibigay ng Estado ang pangangailangan ng mahihirap, kapos sa edukasyon, matatanda, sa kanayunan, katutubong kababaihan at kababaihan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao ang impormasyon  at serbisyo sa reproductive health. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply